Sinusulot na umano ni Manny Villar ang mga pangunahin at beteranong broadcast talents hindi lamang ng ABS-CBN kung hindi pati na ang mga nasa GMA at TV5 network.
Ayon sa website na Bilyonaryo, inaaalok na ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) ni Villar ang malalaking pangalan sa broadcasting para sa binubuo nitong news team na eere sa frequencies na dating gamit ng ABS-CBN.

Kabilang na raw sa hinahabol ngayon ng AMBS ay sina Kabayan Noli De Castro, Korina Sanchez, Luchi Cruz-Valdez at Arnold Clavio.
Si Kabayan ang isa sa itinuturing na haligi ng news team ng ABS-CBN. Nagresign siya sa Kapamilya network noong Oktubre para sana tumakbong senador subalit bumalik din matapos maudlot ang plano.

Si Korina naman ay dating beterana rin sa Kapamilya network bago lumipat sa TV5, habang si Cruz-Valdez ay matagal nang broadcast journalist na galing sa GMA bago napunta sa ABS-CBN at kinalaunan ay lumipat din sa TV5.
Isa pa raw sa planong alukin ng AMBS ay si TV5 news anchor at producer Jove Francisco.

Ayon pa sa Bilyonaryo, tinanggihan na ni Kabayan ang alok ng AMBS subalit hindi pa sumusuko ang kompanya ni Villar lalo pa’t naging malapit sila ni De Castro noong kapwa sila nanungkulan bilang senador.
Sa kaso naman ni Arnold Clavio, bagama’t tila mahihirapan sila na makumbinsi itong umalis sa GMA, umaasa pa rin umano ang AMBS na magbabago ang isip ng isa sa haligi ng Kapuso network news team.

Nauna nang napabalita na inalok na ni Villar si Willie Revillame na maging bahagi ng AMBS pagkatapos ng kontrata ng comedian-host sa GMA sa darating na Pebrero 15.
BASAHIN: Tuloy na ang lipat sa AMBS? ‘Wowowin’ choreographer naghahanap na ng bagong dancers
Ilan pa sa mga sikat na personalidad na inaasahang makakasama ni Willie sa bagong media outlet ay sina Aga Muhlach, Randy Santiago at John Estrada.