‘Never too late’: Gary V first-time voter ngayong Eleksyon 2022

Ibinunyag ng multi-awarded singer na si Gary Valenciano, 57 taong gulang, sa isang proclamation rally na unang pagkakataon niyang makilahok sa halalan bilang botante ngayong taon.

Ang artista, na kilala rin bilang “Mr. Pure Energy,” ay kabilang sa mga personalidad na nasilayan sa isang video para sa proklamasyon nina Vice President Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan noong Martes.

Ipinakilala si Gary ng aktres na si Nikki Valdez, na nagho-host ng grand rally sa Plaza Quezon sa Naga, bilang isang ‘new Kakampink.’

“Alam ko na wala kayong nakikitang mga posts… wala kayong nakikitang iba’t ibang mga linalagay ko sa social media para maipakita ko kung sino ang iboboto ko sa darating na halalan,” wika ni Gary sa video.

“Pero sa kulay na ganito, sa kulay na ‘to (gestures) ito, alam niyo na kung sino,” dagdag pa ni Gary at iminuwestra ang kanyang pink na sweatshirt.

Ayon pa sa singer, “Ito ang magiging first time ko, first time to vote, ever. And I know I’m going to make the right vote kasi naniniwala talaga ako na si VP Leni Robredo ang dapat maging susunod na presidente ng Pilipinas. At si—bayaw ko—si Francis Kiko Pangilinan, ang dapat maging VP (vice president).”

Ibinahagi ng mang-aawit na “impressed” siya sa mga inisyatiba ni Robredo sa panahon ng pandemya ng COVID-19. Binanggit din niya ang “consistency” ni Pangilinan sa pamumuno mula pa noong kanilang grade school years.

Ang mambabatas ay bayaw ni Gary dahil sa kanyang asawang si Angeli Pangilinan.

Samantala, nakakuha ng atensyon ng ilang Pilipino ang status ng singer bilang first-time voter sa edad na 57.

Sa bansa, ang mga mamamayan na hindi bababa sa 18 taong gulang ay maaaring lumahok sa mga halalan sa pamamagitan ng pagboto. Sinabi rin ng 1987 Constitution na ang mga mamamayan na nasa tamang edad ay may karapatang bumoto.

“Gary V is a first-time voter! It’s never too late to make your voice count,” nag-tweet ang manunulat na si Anj Pessumal.

Ang iba pang personalidad na lumabas sa video sa Robredo-Pangilinan grand rally ay sina Juan Karlos Labajo, Iza Calzado, at Jolina Magdangal.

Bukod kay Nikki, dumalo rin sa rally sina Cherry Pie Picache, Bituin Escalante, Pinky Amador, Red Ollero, Rita Avila, at Agot Isidro sa naganap na event.

Post a Comment

Previous Post Next Post