Hanggang ngayon ay patuloy pa ring nagpapakita ng husay sa pag-arte ang beteranang aktres na si Pilar Pilapil. Mapabida man o kontrabida, tiyak na magagampan niya nang wagas. Idagdag mo pa ang kagandahang hindi kumukupas kahit mahigit limang dekada na siya sa industriya.
Unang nakilala si Pilar noong late 1960s matapos tanghaling Binibining Pilipinas-Universe 1967. Kuwento niya, pinagbigyan lamang niya ang mga nagmamahal sa kanya kaya siya sumali sa Binibining Pilipinas. Bagama’t ibinigay ang lahat para sa patimpalak, manalo man o matalo ay wala raw kaso sa kanya. Hindi naman nabigo ang mga ito at naging kinatawan siya ng bansa sa Miss Universe.

Pagkatapos ng pageant, nagsimula naman sa pag-aartista si Pilar na ang unang papel ay ginampanan sa El Nino noong 1968. Nagsunod-sunod na ang mga proyekto ni Pilar at nakatrabaho pa ang pinakatanyag na leading men ng kanyang panahon tulad nina Fernando Poe, Jr. at Dolphy.
Si Dolphy ang unang pag-ibig ni Pilar. Nakilala niya ito pagkatapos niyang sumali sa pageant noong siya ay 17 anyos pa lamang. Dahil malaki ang agwat ng edad nila sa isa’t isa, tinutulan ng mga magulang niya ang relasyon nila. Ikakasal daw sana sila ng komedyante noon ngunit pinigilan siya ng kanyang ama. Gayunman, hindi niya raw ito makalilimutan kailanman.

“Just fondness, just good memories which we treasure. I’m sure he does treasure it, too. It’s just good and beautiful memories. I think, the most important part of Dolphy that I cannot forget was his—frankly—it was his true love for me. I felt that he really loved me, that I cannot forget,” saad niya.
Pagkalipas ng maraming taon, bahagi pa rin ang award-winning actress ng showbiz industry. Ilan sa mga recent projects niya ay ang Etiquette for Mistresses (2015), A Love To Last (2017), The Blood Sisters (2018), Nang Ngumiti Ang Langit (2019), at ngayon, sa sequel ng First Yaya (2021) na First Lady (2022).
