Muntik nang mabiktima ang aktor na si Rocco Nacino ng isang scammer na nagpanggap bilang si Gabby Eigenmann.
Sa isang Instagram post ay sinabi ni Gabby na nakatanggap siya ng tawag mula kay Rocco upang kumpirmahin kung siya nga ang nangungutang ng P10k sa messaging app na Telegram.

“Got a call from my friend @rocconacino, asking if I was the one messaging him on Telegram. Sad to say there’s this person using my name and profile pic asking for money,” aniya.
Sa palitan ng mensahe nina Rocco at ng scammer, makikitang nagpanggap itong nangangailagan ng agarang tulong dahil kailangan niyang magbayad sa isang online shopping site ng inorder na gadget.
Ayon pa sa scammer, urgent ang tulong na kailangan nito at ibabalik niya rin kaagad ang hinihiram na P10k.
Sabi ng nagpapanggap na si Gabby na nag-down ang kaniyang bangko nang magbabayad na siya. “I’m about to pay na kasi, biglang nagdown ‘yong bank, kainis,” sabi nito.

Paalala naman ni Gabby, huwag mag-entertain ng mga mensahe mula sa taong ito na ginamit pa maging ang kaniyang larawan.
“Please do not entertain any messages from this person pretending to be me. Kung sino ka man tigilin mo na ang pangloloko sa mga tao, mas doble ang balik sa karma,” sabi ng aktor.

Hindi rin napigilang mag-comment dito ng mga kaibigan ni Gabby na napansing mali ang grammar ng scammer.
“Sorry for the disturb? @nacinorocco @gabbyeigenmann negative! Nang scam na nga, hindi pa tama ang characterization. Chot! Pero wow ang tindi,” ani Chynna Ortaleza.
Maging si Rocco ay nagpaalala rin sa netizens na maging maingat sa mga nakakausap online. “Be safe everyone!!! Triple check kung totoo mga kumakausap sa inyo lalo na kapag may pera na involved!”