Saglit na nagpahinga ang abalang alkalde ng Pasig na si Vico Sotto at nakipag-hang out sa mga batang Pasig.
Sa Facebook, ibinahagi ni Vico ang mga larawan ng light moments niya kasama ang mga paslit na mukhang aliw na aliw din namang makipagkuwentuhan at makipagtawanan sa kanya.
“Happy Sunday, mga pre,” saad ng mayor sa caption ng mga litratong natanggap niya umano mula sa Instagram message.

Kinaaliwan ng maraming social media users ang mga ini-upload ng alkalde at nakakuha ito ng libo-libong kumento, halos 3,000 shares, at mahigit 74,000 reactions.
Ngunit higit sa nakaaaliw na moment na ito, seryoso ang public servant pagdating sa kinabukasan ng mga tinatawag nating pag-asa ng bayan.
“Usapang kabataan/edukasyon: noong 2019, nasa 12,000 ang scholar ng Pasig. Bukod sa mga pagbabagong ginawa sa programa, dumami pa ang scholar natin sa gitna ng pandemya: nasa 20,000 na ngayong school year. Ang nasa plano naman: 30,000 by schoolyear 2024-25,” wika niya sa comments section.

Bata nakatulog habang karga ni Mayor Vico
Matatandaang kinaaliwan din ng marami kamakailan ang litrato ng isang bata na nakatulog habang karga ni Vico.
Sa Instagram, ini-upload ng mayor ang larawan nila ng bata, isang larawan na kinagiliwan ng marami dahil sa kabila ng pagiging abala ng alkalde ay nagawa pa nitong makihalubilo sa kanyang mga residente at kumarga ng paslit.
“Two seconds lang nakatulog na kaagad si Baby,” saad niya sa caption na nilakipan ng mga Laughing at Sleepy Emoji.

Maraming social media user ang nag-iwan ng kumento sa post ng alkalde. May mga natuwa sa gesture ni Vico at mayroon din namang napa-“sana all” sa close encounter ng bata sa mayor na hinahangaan at iniidolo ng mga Pilipino sa loob o labas man ng kanilang lungsod.
“Sarap tulog ni baby!” ani @coneyster143. “Sabi ni baby, ang pogi ng nagbuhat sa akin!”
“I know and believe that you will be a good husband and father someday, Mayor Vico,” saad ni @4ngeline_m4e.
Wika naman ni @bon.javenu3, “They said babies can feel good energy from people! If they feel safe enough to sleep with someone who’s stranger to them, that means that person has good energy! Cute!”