Toni Gonzaga dapat nang mag-resign sa ABS-CBN?

Dapat na umanong magbitiw sa ABS-CBN ang aktres na si Toni Gonzaga bilang ‘delicadeza’ dahil sa pagsuporta nito sa kandidatura nina Bongbong Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio.

Si Gonzaga ang nag-host ng proclamation rally ng UniTeam nina Marcos at Duterte nitong Martes, Pebrero 8 na ginanap sa Philippine Arena sa Bulacan.

Para kay Jerry B. Grácio, nominee ng Kapamilya partylist, kailangan nang mag-resign ang aktres at matagal nang host ng ‘Pinoy Big Brother’ dahil sa pagsuporta nito sa mga personalidad na nasa likod ng pagpapasara sa ABS-CBN noong 2020.

“Well, hindi naman kasi benggador ang ABS-CBN. Kaya dapat ang burden ay na kay Toni. If she’s endorsing politicians responsible for the shut down of the network where she works, she should resign out of delicadeza,” ani Grácio sa isang tweet.

Suhestiyon pa ni Grácio, puwede namang lumipat na lang si Gonzaga sa SMNI, ang media network na pag-aari ni Pastor Apollo Quiboloy na kilalang malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang ibig kong sabihin, kung sinusuportahan niya ang mga politiko na nagpasara sa network, ba’t di siya lumipat sa SMNI? I’m sure, Quiboloy would welcome her with open arms,” dagdag pa nito.

 

Dismayado rin ang ilang netizens kay Toni lalo na nang ibida ng actress-host si Deputy Speaker Rodante Marcoleta na isa sa mga pangunahing personalidad noon na nasa likod ng pagbasura sa prangkisa ng ABS-CBN sa Kamara.

Inihambing pa nila si Toni sa isang ‘conservative’ na Mocha Uson.

“Ako lang ba ang nakakahalata she is now like Mocha Uson. Hindi ko alam kung maaawa o matatawa ako kay Toni. Jusko naman,” anang isang Twitter user.

 

“Toni and Mocha must have been twins in the past life. Second to BBM-Sara, she is the most disgusting person right now,” pagsang-ayon rin ng isa pang netizen.

Subalit mistulang hindi naman apektado ng mga kritisismo ang Kapamilya actress. Sa halip, ikinatuwa pa niya ang pagiging trending topic sa Twitter nitong Martes.

Post a Comment

Previous Post Next Post