Ilang araw matapos pumutok ang balitang hanggang Pebrero 15 na lamang ang kontrata ni Willie Revillame sa GMA Network, tila may mga pahiwatig nang tuloy na nga ang paglipat niya sa Advanced Media Broadcasting System (AMBS) ni Manny Villar.
Kasunod ito ng mga posts ng ‘Wowowin’ choreographer na si Ana Feliciano sa kaniyang Facebook account.

Kabilang dito ang official statement ng GMA tungkol sa pagtatapos ng kontrata ni Willie na may caption na “When something ends, something starts. Sana hindi nyo kami iwan”.
Ayon naman sa Bandera, nag-post din umano si Ana tungkol sa paghahanap nila ng mga bagong dancers.
“Parang kahapon lang ay nag-sscreen pa ako ng dancers para sa pilot episode ng Wowowin sa GMA7. Kaybilis ng panahon, after almost 7 years, maghahanap na naman ako ng dancers. This time, for a different show/network,” wika pa ng beteranang choreographer.

Ni-repost din ni Ana ang advertisement na naghahanap naman ng “aspiring on-cam and off-cam talents” na gustong mag-apply sa AMBS.
BASAHIN: Willie Revillame hindi raw iiwan ang GMA-7, ayon kay Cristy Fermin
May mga ibinahagi rin siyang larawang magkasama sina Manny Villar, Camille Villar at Willie Revillame. At ang pinakahuli ngang post ni Ana ay ang pagdalaw naman ni Aga Muhlach sa kaniyang matalik na kaibigang si Willie.

Kaugnay naman sa surpresang pagdalaw ni Aga, maaaring kinukumbinsi rin ng Wowowin host ang premyadong aktor upang samahan siya sa AMBS.
Bagama’t walang nabanggit dito si Aga sa kaniyang captions sa Instagram, maraming netizens ang naniniwalang tuloy na nga ang paglipat ni Willie sa kompanya ni Villar.
Ilan pa umano sa mga kinukumbinsi ng comedian-host ay ang kaniyang malalapit na kaibigang sina John Estrada at Randy Santiago na nakasama niya noon sa Magandang Tanghali Bayan sa ABS-CBN.

Maging ang dating DZMM anchor na si Anthony Taberna ay ibinuko rin na nagpadala raw ng mensahe sa kaniya si Willie.
“E, natawa ako dito kay Kuya Wil, e, mukhang pipiratahin pa ako. Mga bossing ko sa DZRH ha, gusto ko lang ikuwento ito, ang message sa akin ni Kuya Wil kaagad, ‘Hanggang kailan ba ang kontrata niyo sa DZRH?’ Kukunin pa yata ako,” bahagi ni Ka Tunying.
Marami na ngayon ang nag-aabang kung ano ang susunod na hakbang ni Willie Revillame kapag napaso na ang kaniyang kontrata sa GMA.