Inilahad ni Vice Ganda kung bakit itinago niya noon sa publiko ang engagement sa kaniyang partner na si Ion Perez taong 2020.
Ayon sa komedyante, natatakot siya dati na ‘babuyin’ at ‘bastusin’ lamang ng karamihan ang kanilang pagmamahalan lalo’t hindi pa bukas ang isipan ng maraming Pinoy sa same-sex marriage.

Kuwento ni Vice sa ‘It’s Showtime’ kung saan inamin nilang ikinasal na sila ni Ion sa Las Vegas, Pebrero 2020 umano nang magpropose ang kaniyang boyfriend ng tatlong taon at wala pang pandemya noon.
Lahat daw ng videos tungkol sa kanilang engagement na kuha ng kanilang mga kaibigan ay ipinabura niya.
“Sobra akong takot na bababuyin lang ng tao itong isang bagay na napakaganda para sa ‘min,” wika ng comedian host.

“Tama na ‘yung tayong dalawa lang ‘yung nakakaalam — malalaman ng ibang tao, babastusin lang nila, bababuyin, pagtatawanan, gagaguhin kaming dalawa — ayoko, masakit ‘yon para sakin kaya sabi ko sa ‘ming dalawa na lang,” paliwanag pa nito.
Sa usapin naman ng same-sex marriage, wala umano sa hinagap niya na magpakasal talaga, subalit nagbago ang lahat ng ito nang makilala niya si Ion.
“Pag may nagtatanong sa ‘kin about same-sex marriage, kung gusto ‘yun ng ibang tao, give ko sa kanila ‘yon pero sa ‘kin, it’s not for me. Hindi ko ‘yon nakikitang gagawin ko pero nung nag-propose si Ion, gustong-gusto ko na,” kuwento ni Vice.

Naging emosyonal din ang ‘It’s Showtime’ host nang aminin nito na pinagsabihan sila ng management na itago na muna sa publiko ang tunay na estado ng kanilang relasyon ni Ion.
“Basta pinakiusapan kami na ‘Sa inyo na lang, wag na sabihin’ — ang hirap-hirap para sa aming dalawa,” anito.
Pakiramdam daw niya noon ay ‘deprived na deprived’ silang dalawa habang ang ibang tao ay napakadali lamang ang magmahalan para sa kanila.

Noong Pebrero 13, ibinunyag ni Vice Ganda na nagpakasal na sila ng kaniyang kasintahan sa Las Vegas noon pang Oktubre 19, 2021. Naka-upload sa kaniyang You Tube channel ang video ng kanilang pag-iisang dibdib na may pamagat na “What Really Happened in Las Vegas”.
Samantala, umani naman ng suporta mula sa kaniyang mga co-hosts ang rebelasyong ito ng mag-asawa.
BASAHIN: Vice Ganda nagpasalamat sa suportang natanggap matapos ihayag ang pagpapakasal kay Ion Perez
Panoorin ang paglalahad ni Vice: