Si Bert Justine Narciso, 19 anyos, na mahilig talagang lumangoy, ay isang mag-aaral sa kolehiyo na ipinanganak at lumaki sa Brgy. 2 Pioduran Albay. Lumangoy siya nang halos apat na oras bilang pagsasanay sa sasalihang triathlon.
Nilangoy niya ang 11,818 meters o halos dose kilometrong layo mula sa Barangay Sta. Cruz Donsol, Sorsogon hanggang sa Barangay Marigondon Pio Duran, Albay. Ito ay nakuha niya lang languyin sa loob ng 3:38:03 na oras. Dahil dito ay hinangan siya ng marami.
Kung motorsiklo daw ang gamit, ang distansyang ito ay inaabot ng isang oras at kalahati.

Kuwento ni Bert, bahagi ito ng pag-eensayo niya sa sasalihang triathlon ngayong Abril 2022. Aminado siya na ilang buwan niya ring pinag-isipan kung kakayanin niyang languyin nang walang pahinga ang ganoong distansya.
Pero noong Sabado, Marso 5, 2022 nakapagdesisyon siya na subukan ito. 5:50 nang umaga nang magsimula siyang lumangoy.
Masaya siya dahil napagtagumpayan niya ang hamon sa sarili. Nagtamo lang siya ng sugat sa ilang bahagi ng katawan dahil sa paglangoy.

Aniya, solo lang siyang lumangoy at walang umalalay sa kanya. Secret training niya raw ito kaya itinago niya sa kanyang mga magulang at nagulat na lamang ang mga ito nang malaman ang kanyang ginawa.
Inabisuhan naman siya ng magulang na sa susunod ay magpaalalay na sa bangka para rin sa kanyang kaligtasan. Ngunit paglilinaw niya, suportado naman ng kanyang mga magulang ang hilig niya sa paglangoy.
Bata pa lamang raw ay mahilig nang lumangoy si Bert. Katunayan, nakalahok na siya sa palarong pambansa noong nasa elementarya pa siya.

First year college na si Bert ngayon at bukas palagi sa mga swimming competition. Bukas din siyang magturo nang libre sa mga nais maging swimmer. Gusto niya daw ituro ang mga natutunan niya sa larangan ng swimming.
Samantala, nag-post ng imbitasyon si Bert sa FB na manood ang netizens sa GMA 24 Oras at Kuya Kim’s Segment nitong Marso 14.
Aniya, “Abangan niyo po ako mga Kakampay bukas ng gabi sa GMA 24 Oras at Kuya Kim’s Segment — #KuyaKimAnoNa Sana po maraming ma-inspire, and maraming salamat po sa suporta mula sa inyo. God bless us all po, and be safe!”
Update:
Narito na ang segment niya kay Kuya Kim: “Swimming na swimming na ba kayo ngayong summer? Ang isang binatang oragon, lumangoy mula Sorsogon hanggang Albay na may layong 12 kilometro! Bakit niya ito ginawa?”
Samantala, narito naman ang feature interview sa kanya ng Ako Bicol Online TV: