Sa panibagong vlog ni Bea Alonzo, 34, ay sinagot niya ang mga mean comments ng mga netizen na may kinalaman sa paglipat niya sa GMA-7 matapos ang dalawang dekada sa ABS-CBN.
Binasa at sinagot ni Bea ang mean comments sa kanya ng netizens sa YouTube vlog niya na ipinost noong Sabado ng gabi, March 12, 2022.
Unang binasa ni Bea ang komento ng netizen tungkol sa pag-iwan niya sa dating home network na ABS-CBN.

“Ayoko na sa iyo. Iniwan mo kasi ang Star Magic after 19 years na inalagaan ka.”
“Nadapa lang ang nag-alaga sa ‘yo, iiwanan mo na lang. Hindi ba p’wede na aakayin mo para makabangon?”
Malinaw na ang ‘nadapa’ na tinutukoy ng netizen ay ang pagkawala ng prangkisa ng Kapamilya network.
“Siyempre, madali sa atin ang mag-comment, ‘di ba, kapag hindi natin alam ‘yung nangyayari,” mahinahong sagot ni Bea.
“I acknowledge your comment. You are entitled to your own opinion, but that doesn’t make it true,” dagdag pa niya.

“Marami pong nangyari at maraming dahilan, at lahat kami ay okay. So, sana okay ka rin.”
Komento pa ng netizen: “There goes a new ‘has been’ actress. After pasikatin ng Star Magic at ABS-CBN tapos iiwan na lang ng ganun.”
Tugon naman ni Bea “Hindi siya madaling desisyon. Super tagal kong pinag-isipan and I have my own reasons for it. And I wish maisa-isa ko sa iyo, pero hindi ko na kailangan gawin iyon because I don’t have to.”
“I don’t have to explain myself because I think I’ve done that.”

Matatandaan namang pumirma ng exclusive contract si Bea sa GMA-7 noong July 2021, matapos ang halos 20 taon sa ABS-CBN.
Sa interview sa kanya sa Kapuso Mo, Jessica Soho noong Hulyo 4, 2021, nilinaw ni Bea na maayos siyang umalis sa ABS-CBN.
Nang tumama ang pandemya, sinabi ni Bea na nagkaroon siya ng pagkakataon para pag-isipan ang kanyang susunod na hakbang.
“Nung dumating yung offer ng GMA, it came at the right time and it just felt right. I follow my heart. Pag magaan, tama,” aniya.
Sinabi rin ng aktres na wala na siyang kontrata nang umalis sa ABS-CBN at maayos siyang nagpaalam sa ABS-CBN bosses.
“Pati yung pagpapaalam ko sa ABS-CBN, of course, it was very, very emotional because, siyempre, tahanan ko yun for 20 years.”
Panoorin: