Kailangan mo ba ng tulong para maayos ang mga sira mong appliances? Well, narito na ang sagot!
Si Rodel Pacis a.k.a. ‘Lolo Smart’ ang makatutulong sa iyo sa pag-aayos ng mga sirang appliances.
Mula sa mga tutorial sa pag-aayos ng electric fan hanggang sa mga video na nagbibigay ng kaalaman sa photography at travels, tiyak na matutulungan ka ng 67 taong gulang na electrician na ito mula sa Paranaque sa iyong problema.

Nagtapos siya ng dalawang taong kurso sa electronics sa Guzman Institute of Electronics at natutunan ang lahat sa pamamagitan ng kaniyang mga karanasan. Dati siyang namamahala ng sarili niyang repair shop sa Bulacan sa loob ng 40 taon.
Noong Oktubre 2020, nagpasya si Lolo smart na ilunsad ang sarili niyang channel sa YouTube.
“Ang nagtulak sa akin ‘yung kaalaman ko na ibahagi ‘yung kaalaman sa iba. Dati na ako marunong mag-picture, gumamit ng camera, mag-video and then marunong din naman ako ng electronics, mag-shop, so sabi ko ‘bakit hindi natin i-combine?” aniya.

“Maibabahagi ko ‘yung aking kaalaman sa pamamagitan ng YouTube, tapos walang bayad, marami ang matuto. Why not, ‘di ba?” dagdag pa niya.
Mula sa filming hanggang sa pag-edit, nananatiling hands-on si Lolo Smart sa paggawa ng content.
Minsan, inaabot raw ng tatlong araw para matapos ang isang video. Noong una, nabahala siya sa kanyang mababang followers sa YouTube ngunit nang maglaon ay napagtanto niyang mas mahalaga na mag-enjoy siya sa kanyang bagong libangan.
Tinutulungan naman siya ng kaniyang misis na si Marina sa paggawa ng mga caption at subtitile para sa kanyang vlog. Plano kasi ni Lolo Smart na maging mas consistent sa pag-upload ng mga video sa kanyang channel.

“Ang hirap magsimula ano, biro mo zero subscriber. Wag kayong ma-diskurahe. Sabi nga ng iba, don’t count subscribers, don’t count even your monetization, basta’t ‘yung passion mo, ‘yung gusto mo na maglingkod sa nakakarami, ‘yun ang gawin mo. Makikita ‘yan at mapupuna ‘yan ng iba.”
Isang netizen ang nakatagpo ng kanyang mga videos na talagang kapaki-pakinabang kaya na-promote niya ang channel ni Lolo sa Facebook. Nag-udyok ito sa mga netizens na magbigay ng kanilang suporta para kay Lolo.
Mula sa 600 subscribers ay kasalukuyan nang may higit 147,000 subscribers si Lolo.
“Noong lumaki nang ilang araw lang, talaga namang overwhelmed kami, dito lahat, pati mga anak ko, pati apo ko tuwang-tuwa din dahil sa biglang laki.”
Panoorin ang kanyang pasasalamat video. Pagkatapos ay simulan mo nang mag-like at subscribe dahil promise! Marami kayong matututunan dito plus maaaliw pa kayo.