Ariel Rivera nag-resign na sa Lunch out Loud ng TV5; 'Ayaw ko nang maging pabigat sa production'

Noong Pebrero 2022 ay bali-balita na tila mamamaalam na sa pag-ere sa telebisyon ang noontime show na “Lunch Out Loud.”

Pebrero din nang naglabas ng official statement ang CEO na si Albee Benitez na wala umanong katotohanan ang balitang mawawala na sa ere ang programa.

Inamin naman ni Ariel Rivera, dating host ng “Lunch Out Loud” (LOL) ng TV5, sa programang Cristy Ferminute, na kaya siya umalis ay dahil nalulugi na ang programa.

“Unang-una may problema sa budget tapos ang producer namin, e, mabait, sobrang bait. In fact, nalulugi na po siya (ex-Cong. Albee Benitez), e, ayoko namang bumigat pa ‘yung problema niya.”

Imbes na mahirapan daw ang producer nila ay siya na lang ang umalis.

“So, imbes na mahirapan pa siya babawasan ko na lang ‘yung gastos, umalis na lang ako. Kaya umalis ako ro’n hindi masama ang loob ko kundi masakit ang puso ko kasi mahal na mahal ko ‘yung mga tao ro’n. Kahit sinong tanungin n’yo ro’n, mahal na mahal ko ‘yung mga tao.”

Sobrang bait raw ng kanilang producer na kahit nalulugi na ang programa ay ibinibigay pa rin nito ang pangangailangan nila pati na rin sa show.

“Yung producer namin wala po siyang ginawa kundi ibigay ang kailangan ng show, kung ano ang kailangan namin binibigay niya po lahat. Kaya ayaw kong pahirapan siya, ang laki ng tulong niya sa show, nagpapasalamat ako.”

“Hindi ko na siya napasalamatan, ngayon pa lang kaya kung nakikinig si Congressman Albee gusto kong magpasalamat sa inyo pero ayaw ko nang maging pabigat sa production.”

“And alam ko naman ang huhusay ng mga host doon, mabubuhay ‘yung show kahit wala ako ‘yun na lang. ‘Yun ang totoong dahilan po no’n,” paliwanag ni Ariel.

“Tama ‘yung sinabi mo sa kabila ng pagkalugi ng producer, itinutuloy pa rin,” ani Nay Cristy.

Panay naman ang tango ni Ariel bilang pagsang-ayon sa kuwento ni Nanay Cristy, “Kasi maganda po ‘yung show, sobrang ganda po nu’ng show.”

Naging guest si Ariel sa “Cristy Ferminute” para sa promo ng second season ng “Sing Galing” bilang kasama na sila ni Jona sa mga hurado ng show na produced ng Cignal at line produced ng Cornerstone Studio mula sa direksyon ni Mel Feliciano.

Post a Comment

Previous Post Next Post