Nag-trending sa social media ang pangalan ng isang senatorial aspirant matapos itong makipagsabayan kina dating Presidential Spokesperson Harry Roque at Atty. Larrry Gadon sa ginanap na debate ng Sonshine Media Network International (SMNI) nitong Marso 2.
Matapang at hindi tumiklop si Atty. Luke Espiritu, na kumakandidato sa ilalim ng lineup ni Ka Leody de Guzman, sa kaniyang pakikipagtalo kina Gadon at Roque na kapwa nasa slate ng UniTeam ng Marcos-Duterte tandem.

Pangunahing pinagtalunan ng tatlong kandidato ang tungkol kay dating Pangulong Ferdinand Marcos at diumano’y ang karahasan ng martial law sa ilalim ng kaniyang rehimen.
Gadon vs. Espiritu
Unang nakasagupa ni Espiritu si Gadon matapos silang tanungin hinggil sa Juvenile Justice Welfare Act.
Ayon kay Gadon, tama naman na responsibilidad ng magulang na gabayan ang kanilang mga anak, subalit sana ay ganito rin daw ang Simbahang Katolika.

“Marami sa mga pari na sa halip na magturo ng leksyon sa mga bata, ang inaatupag nila ‘yung mga anti-Marcos, anti-martial law, at mga communism ang kanilang itinuturo. So, dapat suwetuhin din itong Catholic church,” ani Gadon.
Binanatan rin ni Gadon, na isang Marcos loyalist, ang mga pari dahil umano sa patuloy na paninira ng mga ito kay Bongbong, pamumulitika sa halip na magturo ng kagandahang-asal.
Dito ay hiningan ng moderator ng reaksiyon si Espiritu.
Aniya, sang-ayon siya na hindi dapat binabaan ang edad ng criminal liability at hindi rin daw dapat papanagutin ang mga magulang.

‘I also agree na dapat bigyan natin ng tamang values ang mga kabataan. Dapat itinuturo sa school na masama ang extrajudicial killing, masama ang red-tagging, masama si Marcos, marami siyang human rights violations…” wika ni Espiritu na hindi nakapagpatuloy dahil sumingit si Gadon.
Sa puntong ito ay nagkainitan na ang dalawa dahil kinuha ni Gadon ang oras na para sana kay Espiritu.
Ang kanilang pagtatalo ay nauwi sa paninita ni Espiritu kay Gadon: “It’s my time, huwag kang bastos! It’s my time!”
Espiritu vs. Roque
Nagkaroon din ng tensyon sa pagitan nina Roque at Espiritu matapos igiit ng dating tagapagsalita ng Malakanyang na wala namang kaso ng human rights violation sa Amerika si Bongbong.
Dito ay muling nagsalita si Espiritu bilang sagot kay Roque.

“With all due respect to Atty. Harry Roque, I know your history. You were anti-Marcos before. You were for human rights before. You spend your life against the Marcoses, you work for human rights, and now that you were given a senate spot under the party of Bongbong Marcos, now you cry hallelujah and praise Marcos!” maaagap na sagot nito.
Paliwanag naman ni Roque, ang pinag-uusapan dito ay ang buhay na Marcos at hindi yaong namayapa na.
Maraming netizens naman ang naaliw sa katapangang ipinakita ni Espiritu, habang ang iba ay dismayado dahil mistula umanong punong-puno ito ng galit laban sa pamilya Marcos.
Panoorin ang bahagi ng kanilang pagtatalo: