Ang kandidato sa pagkapangulo na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nangakong bubuhayin niyang muli ang ruta ng tren na ‘Bicol Express’ sa pagitan ng Maynila at Bicol Region kung manalo siya sa halalan sa Mayo.
Sa isang pahayag, sinabi ng kampo ni Marcos na ito ay naaayon sa kanyang layunin na palakasin ang mass transport system ng bansa.
“Madalas nating marinig noon ang salitang ‘Bicol Express’ patungkol sa mga tren na bumibiyahe sa rehiyon. Sa paglipas ng panahon ay naging palasak na lang ang katagang ito na tumutukoy sa pangunahing sistema ng transportasyon na ngayon ay bilang isang masarap na pagkain ng mga Bicolano,” saad ni Bongbong sa isang pahayag.

“Ibabalik natin ang Bicol Express ng higit na maayos at epektibo sa panahon ng ating panunungkulan,” dagdag pa nito.
Sinabi ng election survey frontrunner na bukas siya sa pakikipag-usap sa malalaking kumpanya para tustusan ang proyekto sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP).
Ang tren ng Philippine National Railways na “Bicol Express” ay unang binuksan noong 1930s hanggang sa unang bahagi ng 2000s, hanggang sa ito ay isinara noong 2006 dahil sa pinsala mula sa Bagyong Reming at Bagyong Milenyo.

Bagama’t muli itong binuksan noong 2011, paulit-ulit na sinuspindi ang operasyon ng ruta ng tren hanggang sa pagsasara ng rutang Calamba-Sipocot nito.
Kaugnay dito, mayroong hindi bababa sa dalawang proyekto na naglalayong buhayin ang ruta ng tren na “Bicol Express” — ang proyektong PNR South Long Haul o PNR Bicol, at ang katimugang bahagi ng North-South Commuter Railway.
Iniulat ng Philippine News Agency noong nakaraang Enero 22 na ang pagtatayo ng unang 380-km na unang package ng PNR Bicol sa pagitan ng Calamba, Laguna hanggang Daraga, Albay ay nakatakdang magsimula sa unang quarter ng 2022.

Ito ay inaasahang matatapos sa 2024, habang ang buong PNR Bicol, ang linya sa pagitan ng Maynila at Albay, ay nakatakdang maging operational sa 2027.
Iginawad ng Department of Transportation ang P142 bilyong kontrata para sa PNR Bicol Package 1 sa isang joint venture sa pagitan ng China Railway Group Ltd., China Railway No. 3 Engineering Group Co. Ltd., at China Railway Engineering Consulting Group Co. Ltd.