Sikat na nga talaga si Gigi de Lana dahil pinuputakte na rin siya ng bashers sa kaniyang social media posts kamakailan.
Sa kaniyang Facebook post nitong Martes, naglabas ng sama ng loob ang singer-actress sa mga bashers na nag-iwan ng hindi magagandang komento matapos niyang ibahagi na nawalan siya ng cellphone sa Dubai.

Si Gigi ay isa sa mga Pinoy artists na nagtanghal sa Expo 2020 Dubai noong Marso 12. Ang kaniyang concert sa Dubai ay bahagi na rin ng kaniyang ‘Domination Tour’ kung saan nakatakda rin siyang magtanghal sa Abu Dhabi at Bahrain.
Ayon kay Gigi, maraming netizens ang nagkomento sa kaniyang post na para bang mas alam pa nila ang pangyayari.
“Nawala phone ko. and di binalik. i tried to locate my iphone through find my iphone. and wala dinala na talaga. and nagpahelp na din ako dito sa dubai. Don’t worry naka mark as lost phone so di niya din mabuksan yun,” ani Gigi.
Ang ilan umano sa mga comments na kaniyang natanggap ay ‘bili ka bago’, ‘wala ka pambili bago?’, ‘hintayin ko link’, ‘nanghihingi ka ba’, at ‘post na parang nang aano’.
“’Yung post kasi na yun. para lang gumaan yung loob ba. parang ginawa ko na biro. kasi aminin niyo mahirap mawalan ng phone,” paliwanag ng dating ‘Tawag ng Tanghalan’ contestant.

Dagdag pa ni Gigi, bago siya bumili ng bagong phone, mas uunahin pa niya ang pambayad sa medical bills ng kaniyang mommy at daddy, at iba pang mga bills sa bahay.
“Parang kayo din. ganun din kayo diba? unless talagang wala na kayo mapag gastusan sa pera niyo,” pagwawakas pa ni Gigi.

Kinampihan naman ng kaniyang mga tagahanga ang singer at pinayuhang huwag na lang patulan ang mga bashers na hindi naman alam ang tunay na kuwento.
Marami rin ang umaasang sana nga ay maibalik pa sa kaniya ang nawalang phone dahil hindi naman talaga ganun kadali ang bumili ng bagong unit sa panahon ngayon.
