Sa panayam ni Ogie Diaz kay Dagul a.k.a. Romeo ‘Romy’ Pastrana, 62, noong Marso 20, 2022, ikinuwento ni Dagul ang kaniyang kalagayan at hirap sa buhay nang mawala siya sa showbiz.
Aminadong hirap sa buhay ngayon ang diminutive comedian na si Dagul. Siya ay nakilala sa sitcom na Kool Ka Lang (2001-2003) sa GMA-7 at gag show na Goin’ Bulilit, (2005-2019) sa ABS-CBN.
Napanood din siya sa ibang mga programa ng ABS-CBN at maging sa mga pelikula.
Matapos siyang mawala sa ere ng Goin’ Bulilit noong 2019 pagkatapos ng labing-apat na taon, simula noon ay hindi na siya napanood sa telebisyon.

Si Dagul ay nagtatrabaho ngayon sa barangay hall ng Montalban, Rizal kung saan siya ang head ng command center ng mga kagawad sa kanilang lugar ngunit maliit lamang daw ang kaniyang kinikita dahil honoraria lang ang ibinibigay sa kanila.
Anito, siya raw ang nagbabantay ng kanilang maliit na sari-sari store kapag abala ang kaniyang misis sa mga gawaing bahay.
Si Dagul ay may apat na anak at dalawang apo.
Sa kanyang apat na anak, ang nag-iisang babae at 18-anyos na si JKhriez, na consistent honor student, ang nagmana sa kondisyon ng komedyante.

Problemado siya dahil hindi na niya matustusan ang edukasyon ng dalawang anak.
Maliban pa dito ay problemado na siya sa kaniyang mga paa. Hatid-sundo naman siya ng kaniyang isang anak sa barangay hall dahil kailangan siyang buhatin.
Malaki pa rin ang pasasalamat ng comedian dahil nakapundar siya ng sariling bahay para sa kaniyang pamilya.
Nilunok na raw niya ang kaniyang hiya at nakipag-ugnayan siya kay Ogie, na inoohan naman siya dahil sa matindi nitong pangangailangan.

“Kung pairalin ko yung hiya, walang nangyari,” aniya.
Ang hiling lang naman niya ay maging stable ang kaniyang mga anak bago siya mawala sa mundo. Kaya sa kabila ng mga pagsubok, desidido siyang magpatuloy lamang.
“Tulad ngayon, mga pangangailangan ng anak ko, sa bahay namin, kung paano ko ma-provide. Kaya sabi ko, okay lang, basta kumikilos ka lang. Wag ka lang tamad.”
Si JKhriez naman ang kinausap ni Ogie at napag-alaman na consistent pala itong honor student hanggang ngayon at nais nitong maging abogado. Kaya lang hindi na siya kayang pag-aralin ng ama na may dinaramdam na sa kanyang tuhod kaya’t hindi na makapagtrabahong muli sa showbiz.
Bagama’t graduating ito sa Senior High School at isa sana sa mga awardees, baka hindi umano ito makasama sa mga magsisipagtapos dahil sa mga balanse sa eskwela.
Samantala, sinagot na ni Ogie ang mga natitirang utang sa tuition fee ng anak ni Dagul na si JKhriez para makatapos na ito ng SHS. Labis na naging emosyonal ang mag-ama sa tulong na ibibigay ni Ogie.
Bilang tulong pa sa mag-ama, nananawagan si Ogie na sana’y suportahan din natin ang YouTube Channel ng mag-ama na “Dagul and Jkriez“: