Nais mo bang gumawa ng iyong DIY photoshoot? ‘Yung tipong hindi ka na gagastos nang malaki para lamang matupad ang pangarap mong pictorial sa ika-18 mong kaarawan?
Ibinahagi ni Irish Mendigorin mula sa Bulacan State University ang paggawa niya ng sariling photoshoot sa unang pagkakataon noong nag-debut siya, Pebrero 12, 2022.
No Budget, No Problem
Kuwento ni Irish, hindi raw kaya ng pamilya niya ang gumastos nang malaki dahil humina ang kanilang business dahil sa pandemic kaya siya na lamang ang gumawa ng sarili niyang pre-debut photoshoot.

“Doing my own pre-debut shoot because I’m too broke to hire professionals to turn my ideas to life,’ aniya.
“Pangarap din po kasi ng mom ko na makapag-celebrate ako ng debut talaga,” dagdag pa niya.
Hindi umano nila kayang tustusan ang debut pictorial packages dahil humina ang kanilang business dahil sa pandemya.
“Kaya po ang sabi na lang mag-photoshoot na lang ako para mukha pa ring nag-debut ako,” pagpapaliwanag niya sa video na ibinahagi ng PhilStar.
Apat na araw daw ang ginugol niya para ihanda ang lahat ng props at kinakailangang kagamitan, habang ang buong shoot ay tumagal ng tatlong araw sa kanilang sala.

Siya rin mismo ang nag-ayos sa kaniyang buhok at nag-make-up sa sarili. Napakaganda naman ng kinalabasan, lalo pa’t maganda naman talaga siya. O ‘di ba? Kaysa gumastos ka pa, ikaw na mismo ang gumawa. May talent naman pala siya eh.
Dahil maganda ang naging resulta ng kaniyang mga larawan ay nais ng ilang netizens na magpaturo kay Irish at sa editing skills nito.
Ang kaniyang mga larawan ay post-processed gamit lamang ang mobile applications pero ang mga kuha niyang larawan ay maihahantulad sa may studio-quality.

Ang kaniya nagastos sa buong photoshoot ay P3,000 lamang at ito’y dahil sa mga damit at backdrop na kanyang nagamit.
Hindi lamang DIY photoshoot ang mayroon si Irish kundi nagkaroon din sila ng simpleng selebrasyon kasama ang mga mahal niya sa buhay.
Bagama’t nangarap siya ng mala-prinsesang debut, kuntento na siya sa dami at ganda ng kanyang mga larawan. Milestone ito sa bawat nagdadalaga na tumuntong sa ika-18 na kaarawan.
Kaya naman pinatunayan ni Irish na hindi kailangang maging en grande ang isang debut para maging memorable.
Maraming na-inspire sa kanya dahil sa video na umabot na sa mahigit 527K views.
Tara, silipin ang video na ibinahagi niya sa PhilStar!