Naniniwala si Sen. Imee Marcos na dapat dumalo sa presidential debates ang kaniyang kapatid na si dating Sen. Bongbong Marcos.

Pag-amin ni Sen. Imee, nasasaktan siya sa kumakalat na #MarcosDuwag dahil para sa kaniya ay kaya namang humarap sa mga katanungan ng kaniyang kapatid.
“Ako kasi, gusto ko humaharap e. Naiinis ako dun sa #MarcosDuwag. Hindi naman duwag ‘yong kapatid ko at sa pakiwari ko, kayang-kaya niyang sagutin ‘yon. Naku, ‘yon pa. Magaling naman ang kapatid ko,” pahayag ni Sen. Imee sa panayam sa DWIZ.
Dagdag pa niya, nasasaktan si Bongbong kapag may mga bumabanat sa kaniya. “Ang akin, mas sensitive kasi nasasaktan ‘yong kapatid ko na ‘yan, e mabait ‘yan e.”

Gayunpaman, hinihikayat niya ito na sumipot sa debate upang sagutin ang mga ibinabato sa kaniya.
‘For me, kahit hindi mo puntahan lahat, pumunta ka kasi dapat transparent din, accountable, responsible, open, accessible, ang isang kandidato,” saad niya.
“Nakikinig ka tapos sasagot ka. Kung anong banat nila, harapin mo. Tutal lahat ng kaso naman namin, hinarap namin; ‘yong mga batikos sa amin, sumasagot naman kami. Kayang-kaya niya ‘yon,” dagdag pa ni Sen. Imee.
Hindi naman lahat ng debate ay kailangan daw nitong siputin. “For me, he should go kahit hindi lahat. Kung sa palagay niya, wasting time na at talagang marami siyang gagawin, ang payo ko, sumipot sa ilan.

Sa update ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez 6 p.m. nitong March 13, sinabi niyang si Bongbong na lang ang hindi pa nagkukumpirma kung dadalo siya sa presidential debates.
Samantala, kumpirmado nang lalahok dito sina Ernesto Abella, Leody de Guzman, Norberto Gonzales, Ping Lacson, Faisal Mangondato, Jose Montemayor Jr., Isko Moreno, Manny Pacquiao, at Leni Robredo.
Nakatakda ang presidential debates sa March 19 at April 3.