Francine: Saka na ang pag-ibig kapag naibigay ko na lahat kina Mama

Matapos mag-viral kamakailan nang makatanggap ng reply mula sa isang Korean actor, marami ang napa-“sana all” sa aktres na si Francine Diaz.

francine

Sa kanyang popularidad at tuloy-tuloy pang pag-angat, hindi nakapagtataka kung marami ang humahanga at palihim na nangangarap na maging kapareha ng Kapamilya star sa tunay na buhay. Ngunit ayon sa kanya, hindi pa pag-ibig ang una sa listahan ngayon ng kanyang mga prayoridad.

Nang papiliin kung “pag-ibig” o “karera” sa ABS-CBN show na Magandang Buhay, “career” ang agad na itinugon ng teen star.

“Saka na po siguro [ang pag-ibig] kapag naibigay ko na po ang lahat kina mama,” aniya.

Sa isang naunang panayam, kung saan kasama niya naman ang beteranang broadcast journalist na si Karen Davila, matatandaang nilinaw ng aktres, sa kabila ng pagkaka-link niya sa ka-love team na si Kyle Echarri at sa Kadenang Ginto co-star na si Seth Fedelin, na hindi pa siya nagkakaroon kailanman ng boyfriend.

“Wala, NBSB po. No boyfriend since birth,” saad niya.

FRANCINE

Sa katunayan, kahit manliligaw ay wala rin siya at wala kahit man lang nagko-confess ng feelings sa kanya.

“Wala po, promise po, ang daming hindi naniniwala kapag sinasabi kong wala pang nanliligaw, pero wala po talaga,” natatawang wika ng young actress. “Wala rin naman pong umaamin, e, so parang wala akong reason para mag-boyfriend.”

Gayunman, aminado ang aktres na gusto rin naman niyang maranasan na magkaroon ng kasintahan, ngunit hindi ito prayoridad sa ngayon kaya hindi mahalaga kung wala man nanliligaw sa kanya.

Hinahangaan din ang dedikasyon niya sa pagpapaunlad ng sarili at hindi pagsasantabi ng kanyang pag-aaral sa kabila ng pagiging abala bilang isang artista.

“Palagi rin sinasabi ni Mama na sa showbiz, ’yong fame mo, hindi siya pang-forever. Parang anytime, p’wede kang mawala,” aniya. “So, maganda ’yung may fall back ka. ’Yon din ang sabi sa akin ni Miss Charo [Santos-Concio], kasi, nag-one-on-one kami before. Parang, ‘Nag-aaral ka pa ba? Kasi, mahalaga ’yan. Ang pag-aartista, hindi ’yan tumatagal. Suwertehan lang. Kung magtatagal ka, e, ’di good. Kung hindi, dapat meron kang fall back.”

Post a Comment

Previous Post Next Post