Ibinahagi ng anak ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo ang karanasan sa pag-iikot upang ikampanya ang kaniyang ina.

Sa isang Instagram story, inamin ni Dr. Tricia Robredo na bagama’t hindi lahat ay kaya niyang kumbinsihing iboto ang ina ay sinusubukan niya pa ring lumapit sa lahat.
“Hindi lahat maco-convert pero lumalapit pa rin para bumati, lalo na dahil nakikidaan lang tayo sa lugar nila,” aniya.
Kalakip nito ay larawan ng isang ginang na nakasuot ng t-shirt na may mukha nina dating Sen. Bongbong Marcos at running mate nitong si Davao City Mayor Sara Duterte.

“Nung lumapit ako kay Nanay, she smiled and even greeted back. Pahabol niya, ‘hindi tayo ang nag-aaway.’ Humbling reminder. I hope we all keep this in mind,” sabi niya pa.
Sa kabila ng pagdumog ng mga taga-suporta sa mga ginagawang rally ng tambalan nina VP Leni at Sen. Kiko, inamin ni Dr. Tricia kamakailan na iba ang sitwasyon sa ground kaya naman pakiusap niya sa mga “Kakampink,” habaan pa ang pasensiya sa pagkausap sa mga handang makinig sa tuwing nagsasagawa sila ng house to house.

“Nung magsimula kaming mag-ikot this year, may mga hostile communities talaga. Kung dati, may paisa-isa lang na NR, ngayon may hecklers na. We encountered several when we made rounds right before Pasig Laban,” kuwento niya.
“Admittedly, nakakalungkot at nakakainis din. Lalo na dahil crossing the line na yung iba. Some of them have already made up their minds and it’s quite futile to engage. Pero marami rin ang nananatili pang bukas makinig. ‘Wag sana natin silang sukuan,” dagdag pa niya.
Sa huling survey na inilabas ng Pulse Asia ay nangunguna pa rin si dating Sen. Bongbong (60 percent) at sinundan ni VP Leni (15 percent).