Pacquiao nangakong ipakukulong si Imelda Marcos kapag pinal na ang desisyon ng Korte Suprema

Tiniyak ni presidential contender at Senador Manny Pacquiao na ipakukulong niya si dating First Lady Imelda Marcos kapag ‘final at executory’ na ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa pitong kaso ng graft na nahatulan sa Sandiganbayan.

Wala umanong ‘exemption’ sa batas kapag siya ang nahalal na susunod na pangulo ng bansa, ayon sa Pambansang Kamao.

“Walang exemption basta convicted ka sa Supreme Court, sa korte natin, susundin natin, iimplement natin,” giit ni Pacquiao sa panayam sa kaniya sa Christian Coalition Movement nitong Linggo.

Gayunpaman, bibigyan niya rin umano ng ‘humanitarian consideration’ ang dating Unang Ginang dahil sa edad nito.

“Ilang taon na si Imelda, bigyan na lang natin ng ano siguro ‘yan. Kumbaga mga ganyang edad, parang precious na sa atin ‘yan na may ganyang tao na umabot sa ganyang edad,” paliwanag ni Manny isa pang hiwalay na panayam nitong Lunes.

“Bigyan natin ng pabor ‘yan dahil matanda na rin, napakatanda na. Hindi siguro natin siya ihahalo doon sa mga kulungan, eh ‘di lalo siya namatay. Separate na lang siguro siya,” dagdag ng senador.

Taong 2018  nang nahatulan si Imelda ng Sandiganbayan ng pagkakakulong na 42 taon, o 6 na taon sa bawat isang kaso ng graft, dahil sa pagkakaugnay sa ilang foundations sa Switzerland na diumano’y nagsilbing conduit ng tagong-yaman ng pamilya Marcos.

Sa kabila nito, hindi nakulong ang asawa ng namayapang pangulo matapos makapagpiyansa ng P300,000 habang nakabinbin pa sa Korte Suprema ang kaniyang apela.

Samantala, iginiit din ni Pacquiao na hindi lamang ang pamilya Marcos ang kaniyang hahabulin at ipakukulong kung hindi ang lahat ng mga kurakot na pulitiko sa bansa.

Hindi naman umano patas kung ang mga Marcoses lamang ang pagtutuunan ng batas gayung marami pang pamilya ang nagnakaw sa kaban ng gobyerno.

“Hind tayo mamemersonal kasi ang atin dito ‘yung tama ang pinaglalaban natin para sa kapakanan at kaunlaran ng ating bansa,” wika ng mambabatas.

Si Pacquiao ay isa sa mga karibal sa pagkapangulo ng anak ni Imelda na si Bongbong Marcos Jr., na patuloy na nangunguna sa mga survey ilang buwan na lamang bago ang halalan sa darating na Mayo.

Post a Comment

Previous Post Next Post