Opisyal nang ipinakilala si Ivana Alawi bilang leading lady sa bagong aabangang Kapamilya teleserye na ‘A Family Affair’.
Si Ivana ay kasama sa mga artistang dumalo sa Star Magic Trade Event nitong Martes, Marso 22, kung saan natunghayan ng mga advertisers ang mga bagong programang pagtatampukan ng mga talent ng ABS-CBN.

Personal na dumalo ang sikat na social media influencer habang sa video lamang nakipagtsikahan ang kaniyang mga leading man na sina Sam Milby at Gerald Anderson.
Unang linggo nitong Marso namataan ang cast ng ‘A Family Affair’ sa kanilang lock-in taping sa probinsiya ng Masbate.
Maliban kina Sam at Gerald, doon ay nakasama rin ni Ivana sina Jake Ejercito, Jameson Blake, Aya Fernandez at marami pang iba.

Nag-upload din ng mga kaakit-akit na larawan ang 25 anyos na sexy star habang nasa magagandang shooting locations sa Masbate.
Halos tatlong taon ding nagpahinga sa showbiz si Ivana dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Noong 2018 ay napanood siya bilang isa sa mga cast ng ‘FPJ’s Ang Probinsiyano’. Taong 2019 naman nang muli siyang maitampok sa “Mea Culpa: Sino Ang May Sala?”.

Matapos ito ay pumirma si Ivana ng exclusive contract sa ABS-CBN at nakatakda na sana siyang maging bida sa teleseryeng ‘Ang Lihim ni Ligaya’.
Nagsimula na rin noong magtaping ang cast ng naturang teleserye subalit nahinto ito noong Marso 2020 matapos ideklara ang pandemya sa buong bansa.
Ang ‘A Family Affair’ ang kauna-unahang teleserye kung saan itatampok si Ivana bilang pangunahing tauhan.

Samantala, hindi pa naglalabas ng kumpletong detalye ang Kapamilya network tungkol sa produksiyon ng ‘A Family Affair’.
Sa kabila nito, excited na ang mga fans ni Ivana kung anong uri ng karakter ng kanilang idolo ang mapanonood sa telebisyon.