Pinayuhan ng aktres na si Toni Gonzaga ang mga taga-suporta ng UniTeam na huwag nang patulan ang mga ibinabato sa kanila.

Imahe mula sa News5
Sa ginanap na campaign rally ng UniTeam sa Cavite kamakailan ay sinabi ni Toni na hindi uso ang cancel culture sa kanilang partido na pinamumunuan ng tandem nina dating Sen. Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte.
“Napakasarap po ang makasama sa rally ng UniTeam sapagkat sa UniTeam, hindi uso ang cancel culture. Ang buhay na buhay sa UniTeam, Filipino culture,” aniya.
“Kung ang puso ng iba ay punong-puno ng galit, ang puso nating lahat, punong-puno ng pagmamahal at pang-unawa,” dagdag niya pa.
Nagbukas din siya ng saloobin tungkol sa mga usap-usapan na bayad siya sa pag-host ng mga rally ng UniTeam.
“Simula po nang tumayo ako sa entablado kasama ang UniTeam, ang tawag ng lahat, bayad daw po ako, Bayad po ba kayo?” tanong niya sa mga dumalo sa rally. Tumugon naman ang mga ito sa pamamagitan ng pag-chant ng “Hindi kami bayad!”

Imahe mula sa News5
Payo niya, huwag nang patulan ang mga ganitong akusasyon.
“Kaya po tulad ni BBM, hindi na po natin dapat pinapatulan ang mga ganiyang bagay dahil kapag alam n’yo ang katotohanan, hinding-hindi kayo kayang sirain ng kasinungalingan. Kaya naman po sa lahat ng nang-aaway sa inyo, nangungutya sa inyo, pinipintasan kayo, katulad ni BBM, ‘wag na po tayong lumaban,” ani Toni.
“Patuloy tayong magpakumbaba dahil katulad ni BBM, laging nagpapakumbaba kaya naman si BBM, lalong tumataas.”

Matatandaang naging kontrobersyal ang pag-host ni Toni ng proclamation rally ng UniTeam matapos niyang ipakilala ang isa sa mga senatoriable na si Rodante Marcoleta; isa sa mga hindi pabor sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.
Pagkatapos nito ay pormal na umalis si Toni bilang host ng reality show ng ABS-CBN na Pinoy Big Brother (PBB).
[RELATED: Toni Gonzaga nagpaalam na sa PBB]
“It has been my privilege to greet you all with ‘Hello Philippines’ and ‘Hello World’ for the last 16 years. I will forever cherish the memories, big nights, and moments in my heart. Thank you, Kuya, for everything. This is your angel, now signing off.”
Panoorin ang buong video rito.