Nagbenta si Jinkee Pacquiao ng ilan sa kaniyang mga mamahaling collection ng bags, damit at sapatos upang makatulong sa mga naging biktima ni ‘Typhoon Odette’.
Isinagawa ng misis ni Pacman ang JinkeeSkin Grand Bazaar noong Pebrero 19 sa Makati Diamond Residences.

“A portion of the proceeds shall be donated to our brothers and sisters who were affected by Typhoon Odette! Purchase with a Purpose!” ayon sa anunsiyo ni Jinkee sa Instagram.
Batay sa ulat ng PEP, ang pinakamahal na naibenta ni Jinkee ay ang kaniyang puting Lady Dior bag na nagkakahalaga ng P325,000.
Naibenta rin sa naturang bazaar ang isang Dior slides (P35,000), isang GUCCI GG Supreme monogram pierced heart-embroidered medium Dionysus shoulder bag (P150,000), isang wicker and canvas tote bag (P55,000), isang pares ng Gucci horsebit loafers (P28,000), at isang Hermès Evelyne bag (195,000).

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagbenta ng kaniyang mga paboritong gamit si Jinkee upang makatulong sa mga nangangailangan.
Kilala ang mag-asawa sa pagiging matulungin lalo na si Manny Pacquiao na nagpatayo ng mga bahay sa kaniyang mga kababayan sa General Santos City at Sarangani Province.
Maliban sa ginanap na bazaar, naglunsad din si Jinkee ng kaniyang mga bagong skin-care na produkto.

Nakatakda nang i-launch ng Jinkee Skin ang Youthful Glow Serum, Age Control Smooth Glow Body Scrub, Lightening Feminine Wash, Deep Cleansing Water, at Youthful Glow Sunscreen sa darating na Abril 2022.
Samantala, naibenta rin umano sa bazaar ang ilang pre-loved items nina dating beauty queen at Pinoy Big Brother housemate Samantha Bernardo, influencer at luxury enthusiast Mhurp Rose, at ni Maricor Flores na business partner ni Jinkee.