Labis na ikinatuwa ng aktres na si Jolina Magdangal ang sapatos na mula sa kanyang Magandang Buhay co-host na si Regine Velasquez.
Sa Instagram, ibinahagi ni Jolina na matagal na niyang pangarap na makahingi ng sapatos kay Regine na talaga namang nakahiligan na ring mamigay ng sapatos sa mga kaibigan at katrabaho.
“May isang taong very generous. ‘Pag nakita n’ya na bagay sa taong ito kung anumang gamit meron s’ya, ibinibigay n’ya. At isa na nga ang mga super gaganda at branded shoes n’ya. May mga kaibigan ako na nabigyan na n’ya ng shoes kasi magka-size sila. Pare-pareho silang size 6. Kaya sabi ko, ‘Naku malabo na ako kasi 4 1/2 ako (hahaha manika lang),” pagbabahagi niya.
Kaya naman daw tuwang-tuwa si Jolina at para bang isang fairytale daw nang magkasya sa kanya ang isang sapatos ni Regine na waring mula sa classic fairytale na Cinderella.

“Noong isang araw, pasuot na siya ng napakaganda n’yang sapatos, biglang sabi n’ya sa’kin, ‘Sukat mo nga, Jolens.’ Bigla akong kinabahan kaya dinahan-dahan ko ang pagsuot ng sapatos na parang noong sinusuot ‘yong Glass Shoes ni Cinderella, at ang naiisip ko, ‘Ito na yata ang moment ko.’ Kumasya! Fit na Fit! At narinig ko nga ang matamis na, ‘Sige, sa’yo na.’ Muntik ako mapakanta ng This Is The Moment ni Erik Santos,” pagpapatuloy ng aktres.
At labis daw siyang nagpapasalamat sa kanyang Ate Regine, “To my Fairy Godmother (at Fairy Godmother ng karamihan), Ate @reginevalcasid, maraming salamat! ‘Di ako makapaniwala na may nagkasya sa’kin na shoes mo kaya nilagay ko s’ya sa side table ko. Hahahahaha! I love you Ate!”

Tuwang-tuwa rin naman si Regine na mapasaya ang kanyang kaibigan. Paalala niya, kailangan daw isuot ito ni Jolina dahil kung hindi ay masisira ito.
“Ang cute mo, Jolen,” wika niya. “But you have to wear it, masisira ‘pag hindi, e. Love you.”
