Kalan de Mantika panlaban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG

Nanlulumo ka rin ba sa taas ng presyo ng LPG?

Naimbento ni Jaysus Delos Santos, dating mekaniko at ngayo’y engineering student sa Barangay Flordeliz, Milaor, Camarines Sur, ang “kalan de mantika” na nilalagyan ng gamit o patapon nang mantika upang makalikha ng apoy.

Nakikita niya itong alternatibo sa harap ng pagtaas ng presyo ng liquefied petroleum gas (LPG).

“‘Yung LPG po kasi natin ngayon ay patuloy na tumataas. And ‘yung mga used or waste oil natin ay nasasayang din talaga. Kaya naisip ko po itong project na ito,” aniya.

“Nag-research ako sa Internet lang. Hinanapan ko talaga ng paraan kung pano magamit ‘yung used oil para makalikha ng apoy. Inabot din ako ng dalawang linggo sa pag-experiment,” dagdag pa niya.

Mga scrap metal o patapon na bakal ang materyales na ginamit niya.

Nilagyan niya ito ng blower para magamitan ng kuryente o baterya sa pagpapatagal ng apoy habang ang lakas ng apoy ay nakadepende sa dami ng mantika.

Ang kaniyang gamit na mantika naman ay galing sa taba ng hito. Caretaker din siya sa isang farm sa kanilang bayan na may mga alagang hito at tindahan ng lechon na hito.

Ngunit ang Kalan de Mantika na ginawa niya para lamang sa pamilya ay nadagdagan dahil marami umano ang nagka-interes na bumili sa kaniya ng kalan, lalo na nang i-post niya ito sa social media.

Para makatulong sa pang-araw-araw na gastusin sa pamilya, nagpasya si Jaysus na ibenta ang Kalan de Mantika sa halagang P2,000 lalo pa’t pareho pa silang nag-aaral ng kaniyang asawa.

“Hindi naman po kasi highly flammable ang oil, kasi kailangan pa po ma-preheat ang oil bago siya maging flammable, na kung saan doon lang po sa chamber yun nangyayari.”

“At sa set up ko po ay di kalakasan ang apoy kasi maliit lang po ang valve na ginamit ko para kontrolado ang oil at limited lang ang pagpasok sa chamber para safe.”

Plano niyang makipag-ugnayan sa mga restaurant o kainan sa kanilang bayan para makalikom ng mga gamit nang mantika para puwede niya ipagbili sa mga nais magpa-refill ng mantika para sa nasabing kalan.

Post a Comment

Previous Post Next Post