Kit Thompson nasa kustodiya ng Tagaytay PNP dahil sa pag-detain sa GF na si Ana Jalandoni

Nasa kustodiya ng Tagaytay PNP ang actor-model na si Kit Thompson dahil sa diumano’y pananakit sa kaniyang girlfriend na si Ana Jalandoni.

Batay sa ulat ng ABS-CBN News nitong Biyernes, Marso 18, humingi raw ng saklolo si Jalandoni matapos siyang saktan at i-detain ng kaniyang nobyo.

Nagpadala umano ng larawan ang aktres sa kaniyang mga kaibigan kung saan makikita ang kaniyang mga sugat para humingi ng tulong.

Kinumpirma rin ng Tagaytay PNP na nakatanggap sila ng tawag mula sa isang hotel pasado alas-6 nang umaga nitong Biyernes matapos umanong makarinig ng ingay sa kuwarto kung saan naka-check in ang magkasintahan.

Dinala ng mga awtoridad sa presinto si Thompson para kuwestiyunin habang nagpapagamot naman sa isang ospital si Jalandoni.

Naglabas na rin ng pahayag ang talent agency ni Thompson na Cornerstone Entertainment at sinabing hindi pa sila nakatatanggap ng pormal na report hinggil sa nasabing insidente.

Humiling din ng pang-unawa sa publiko ang Cornerstone Entertainment na huwag munang husgahan ang aktor.

“However, we request the public to be mindful of casting judgment based on unfounded reports circulating online,” ayon sa pahayag ng talent management.

Si Thompson ay nakilala bilang isa sa mga housemates sa “Pinoy Big Brother” taong 2012, habang si Jalandoni naman ay dati nang napanood sa  “FPJ’s Ang Probinsyano” ng ABS-CBN.

Inamin nila sa publiko ang relasyon bilang magkasintahan nitong nakarang Disyembre lamang.

Kinondena naman ni Jobert Sucaldito ang napaulat na pananakit ni Thompson sa kanilang anak-anakan na si Jalandoni.

Sa isang Facebook post, sinabi ng entertainment writer na nakalulungkot isipin na may mga lalaki pa ring katulad ni Thompson na nananakit ng babae.

“For whatever reason Kit has, wala siyang karapatang manakit ng babae. Humanap siya ng katapat niyang maton kung talagang matapang siya,” ani Sucaldito sa kaniyang post.

Dagdag pa ni Jobert, sana raw ay huwag pakawalan ng mga awtoridad si Thompson dahil isa ito seryosong bagay na hindi dapat pinalalampas.

UPDATE:

Samantala, nagbahagi na si Jalandoni sa Instagram ng update hinggil sa kanyang sinapit. Kalakip ang isang larawan ng kanyang sinapit sa kamay ng kasintahan, aniya: “When you love someone you will never ever harm them.

Minahal mo ba talaga? This is me saying, you all should be careful out there. I can’t reply to all of you right now but thank you for checking up on me. I will release a statement soon.”

Bumuhos ang pagdamay sa kanyang post. Get well soon, Ana!

Post a Comment

Previous Post Next Post