OPM artists, influencers itinangging dadalo sa UniTeam rally

Itinanggi ng ilang mga personalidad ang kumakalat na poster na kabilang sila sa line up ng mga magtatanghal sa UniTeam rally sa Zamboanga sa April 10.

Sa ngayon ay burado nang post ay sinabing kasama sina Cong TV at Team Payaman, Zack Tabudlo, IV of Spades, Kamikazee, Parokya ni Edgar, Agsunta, Philia, at Toni Gonzaga sa mga magtatanghal sa Enriquez Memorial Complex sa April 10.

Sa kaniyang Facebook page ay pinasinungalingan ito ni Cong TV. “‘Di nga makapag-Valorant ta’s mangangampanya pa. Fake news,” aniya.

“Hirap ngang payagan mag-basketball ta’s kampanya pa,” pahabol niya pa sa comment.

Maging ang miyembro ng Team Payaman na si Vien Iligan ay nagsalita rin.

Sa kaniyang Instagram story ay ibinahagi niya ang screenshot ng ilang mensaheng nagtatanong kung totoong dadalo sila sa campaign rally ng UniTeam.

“Fake news,” simpleng sagot niya.

“Awit, peyk news na nga lang ‘di pa magandang picture ginamit sa akin,” hirit naman ni Zack Tabudlo.

Pinabulaanan din ng Parokya ni Edgar na dadalo sila sa rally. “This is not true,” paglilinaw nila sa isang Facebook post.

Ibinahagi naman ni Blaster Silonga ng IV of Spades ang post ng Parokya at sinabing hindi ito mangyayari.

“Seryosong sagot. Kailanman hindi mangyayari ito, ngayon pa lang sinusunog ko na ang tulay.”

Samantala, sinabi naman ng Agsunta na wala rin sila sa event. “Wala po kami rito, nasa bahay lang kami ng araw na ‘yan.”

Naglabas naman ng saloobin si Allan Burdeos ng Kamikazee.

“Never akong nagsalita against sa mga nangangampanya for presidency kahit na obvious na kung gaano kadumi or hindi qualified ang kandidato. Pero kung pangalan namin ang involved, pangalan namin na mahigit 20 years namin na pinaghirapan ang gagamitin nang walang permiso, ibang usapan na ‘yo,” simula niya.

“NEVER kaming magpa-participate sa kampanya na ito. MGA SINUNGALING. Gusto ko lang tahimik at hindi ma-involve sa mga ganitong bagay, kaso kailangan namin gawan ‘to ng aksyon. WE ARE NOT FOR SALE!”

Post a Comment

Previous Post Next Post