Inalala ni Lolit Solis ang pagkakataon na napagbati raw niya sina Kris Aquino at Bongbong Marcos, ang mga anak ng dalawang pulitiko na mahigpit na magkaribal noon.
Sa kaniyang column sa PhilStar na Take It Take It! noong isang araw, ikinuwento ni Nay Lolit na aksidenteng nagkita sa isang TV station noon sina Kris at Bongbong na kababalik pa lamang ng pamilya mula sa ibang bansa.

Kung matatandaan, umalis ng Pilipinas ang pamilya Marcos matapos ang Edsa Revolution noong Pebrero 1986 na nagluklok kay dating Pangulong Cory Aquino, ang ina ni Kris.
“Buhay pa si Tita Cory Aquino noon pero nagawa kong pagbatiin sina Bongbong at Kris nang magkita sa TV station,” bahagi ni Nay Lolit.
Dahil nga mainit pa noon ang usaping pulitika ng magkalabang Aquino at Marcos, naging malaking balita raw ito.

“Big news iyon noon dahil nga first time nangyari, shocked pa nga si Tita Cory nang lumabas sa news,” kuwento pa ng talent manager.
Dahil dito, naniniwala umano siya na wala namang ibig sabihin ang kahilingan ni Kris Aquino gawin na munang yellow heart ang pagbati sa kaniya at hindi kulay pula.
“Kaya siguro naman walang ibig sabihin ‘yung request ni Kris, baka lang talagang color yellow o pink ang gusto niya para maiba lang,” wika pa ni Nay Lolit.

Naibahagi ito ng talent manager matapos ma-bash sa social media ang tinaguriang ‘Queen of All Media’ dahil sa kakaibang request nito.
BASAHIN: Kris Aquino sa kanyang followers, ‘request, can you use ‘yellow hearts or pink? …’ wag muna red’
Naawa pa nga si Nay Lolit sa actress-host dahil sa masasakit na banat ng mga netizens laban kay Kris kahit na dumaranas ang huli ng matinding pagsubok dahil sa kondisyon ng kaniyang kalusugan.
Nitong Lunes, Marso 14, naibahagi ni Kris na na-diagnose siya ng erosive gastritis at gastric ulcer matapos sumailalim sa positron emission tomography (PET) scan, computerized tomography (CT) scan at upper endoscopy.
View this post on Instagram
Sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin umano siya sa Diyos dahil alam niyang pansamantala lamang ang sakit na kaniyang nararamdaman.
“Malalagpasan rin kaya bawal umangal, marami ang mas malala ang pinagdadaanan, at may hinihintay pang mga resulta kaya manahimik, magpasalamat, at patuloy na magdasal,” ani Kris sa kaniyang pinakahuling Instagram post.