Tutol si Manila Mayor at presidential aspirant Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa pag-revive sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) bilang source of energy ng bansa.
Ani Yorme, hindi ligtas ang BNPP para sa kalusugan ng mga tao at maging sa ating kalikasan.
“I don’t think that the Bataan Nuclear Power Plant today is suitable for power generation,” paliwanag ng alkalde sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkules.

Ang standard-bearer ng Aksiyon Demokratiko ay nagsagawa ng motorcade sa Bataan kung saan nag-courtesy call din siya kay Bishop Ruperto Cruz Santos ng Diocese of Balanga.
“They have to permanently close it down. Wala na yan, hindi na yan safe para sa mga tao. Hindi yan safe para sa mga taga-Bataan,” dagdag pa ni Mayor Isko.
Marami naman umanong maaaring pagkuhanan ng enerhiya ngayon na mas mura pa tulad na lamang ng ginagawa sa The Netherlands na gumagamit ng renewable energy sa pamamagitan ng open space via potable type.

“Sa ngayon maraming other sources of energy — renewable, gas, or coal. Hangga’t mayrong teknolohiya at etong mga teknolohiyang eto na available and cost much less,” anito.
Bagama’t hindi naman umano niya sinasabing wala itong epekto sa kalikasan, mas nais niyang bigyan ng prayoridad yaong kaunti lang ang epekto sa kapaligiran gaya ng sa The Netherlands.
“Nakaimbento na sila ng way para patuloy pa rin silang makakapagtanim ng pagkain at kung saan itinatanim yung pagkain, mayroon ding source na puwedeng pagkunan ng clean, renewable energy,” patuloy ng alkalde.

Hangga’t may ibang option umano, hindi niya pagtutuunan ng pansin ang pagbuhay muli sa BNPP.
Ang BNPP ay itinayo noong 1976 ni Pangulong Ferdinand Marcos sa halagang $2.2-B na inutang pa mula sa ibang bansa.
Subalit nang maupo si Pangulong Corazon Aquino noong 1986, tuluyang inabandona ng gobyerno ang planong pagbubukas ng kauna-unahang nuclear facility sa bansa dahil sa alegasyon ng kurapsyon at isyu na rin ng kuwestiyunableng kaligtasan nito.