Kabilang na si Mocha Uson sa mga kilalang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ineendorso ngayon ang kandidatura ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.
Sa idinaos na campaign rally ni Mayor Isko sa Kawit, Cavite nitong Biyernes, isa sa mga dumalo si Uson na hindi ikinakailang isa siyang DDS (Duterte Diehard Supporters).

“Alam niyo, kaya pa nandito na ako ngayon, ay dahil nag ‘Switch to Isko’ na din po ako,” anang kontrobersiyal na blogger at nominee ng Mocha (Mothers for Change) partylist.
Wika pa ni Mocha, nakikita niya kay Mayor Isko ang isang ‘batang Duterte’.
“Ako po ay naririto, pang ipakita ang aking suporta sa ating susunod na pangulo, dahil nakita ko po kay Mayor Isko ang batang Pangulong Duterte,” lahad pa ng dating OWWA official.

Ibinahagi rin ni Uson na bilang matagal nang residente ng Maynila, ibinoto niya noon si Mayor Isko bilang akalde ng lungsod.
Bilib umano siya sa bilis na pag-aksiyon ni Mayor Isko sa mga suliranin sa Maynila, lalo na nitong pandemya.
“Nakita ko po yung bilis kilos. Yung iba po, pinapangako pa lang nila, nagawa na po ni Mayor Isko sa Maynila,” ani Mocha.

Maliban kay Mocha, kabilang sa mga dating opisyal ng Duterte administration na iniendorso ngayon si Mayor Isko ay si Film Academy of the Philippines (FAP) Director Vivian Velez at dating Agrarian Reform Secretary at senatorial candidate John Castriciones.
Si Velez ang bumuo ng grupong Domagoso Diehard Supporters (DDS) na itinutulak naman ang tambalan nina Mayor Isko at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Ang mga tagasuporta ni Pangulong Duterte ay nagkani-kaniyang pili na ng susuportahang kandidato matapos umatras si Senador Bong Go ng PDP-Laban na pambato sana ng administrasyon.

Maging ang pangulo ay tikom pa rin ang bibig kung sino ang kaniyang napipisil na iendorso bilang kapalit niya sa Malakanyang.
Sa nakaraang panayam, itinanggi ni Mayor Isko na siya ang ‘secret candidate’ ni Pangulong Duterte subalit hindi niya rin itinago na umaasa siyang makukuha ang basbas ng presidente.