Mayor Vico Sotto pinasalamatan ang mga magulang sa pagdalo sa campaign kickoff

Pinasalamatan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga dumalo sa kickoff ng kaniyang kampanya para sa re-election sa lungsod, kabilang na ang kaniyang mga magulang na sina Vic Sotto at Coney Reyes.

“Salamat sa mga Pasigueñong dumalo sa ating campaign kickoff sa Pasig Mega Market! Hindi ‘market day’ ang Biyernes, pero tradisyon natin na sa palengke nagsisimula ang kampanya,” sabi ng alkalde sa isang tweet.

“At siyempre, kasama sila,” habol niya kalakip ang larawan ng mga magulang.

Kuwento ni Mayor Vico, pinayuhan niya ang kaniyang “special guests” na umiwas muna sa crowd bilang pag-iingat ngunit hindi nagpapigil ang mga ito.

“Special guests na hindi nagpaawat kahit sabihan namin na mag-ingat muna at ‘wag muna sumama sa may crowd,” aniya.

Ang kaniyang inang si Coney, pinamunuan pa ang panalangin para sa anak at sa kaniyang mga kasama sa partido.

Nagpasalamat din si Coney sa mga sumusuporta sa kaniyang anak. “Maraming maraming salamat sa inyong lahat, sa inyong napakainit na suporta sa anak ko at sa buong konseho.”

Samantala, si Vic naman ang nagpakilala sa kaniyang anak bago ito magtalumpati.

“Sana po tuloy-tuloy ang ating suporta, tuloy-tuloy ang ating pagmamahal, nang sa ganon, tuloy-tuloy ang agos ng pag-asa dito sa Pasig. Tuloy-tuloy rin ang pag-aayos ng gobyerno, isang pamumuno na malinis, tapat, at ang iniisip lang ay ang kapakanan ng mga Pasigueño,” sabi ng host ng noon-time show na Eat Bulaga.

Tinapos ni Mayor Vico ang 27 taong pamumuno ng pamilya Eusebio sa Pasig City matapos niyang matalo si dating Mayor Bobby Eusebio noong 2019 elections.

Post a Comment

Previous Post Next Post