Mga kalabaw na nagsilbing bridal car sa mass wedding, kinagiliwan

Imbes na bridal car ang sumundo sa mga ikakasal ay mga kalabaw ang nagsilbing sasakyan papuntang simbahan na kinagiliwan naman ng mga manonood.

Para sa espesyal na okasyon, mga kalabaw ang sumundo sa tatlong bride patungo sa kinaroroonan ng kanilang mga groom sa isang chapel sa Brgy. San Rafael, Prieto Diaz, Sorsogon nitong Lunes, Pebrero 28.

Talagang kakaiba ang istilo ng nakaisip dahil nilagyan pa ito ng mga dekorasyon upang maging maganda sa paningin ng lahat. Kinabitan ito ng mga lobo, ribbon at bulaklak bilang palamuti.

Ang nakaisip ng konseptong ito ay walang iba kundi si Father Ronnie Hubilla Dolosa ng St. Raymond Nonnatus Parish ng Buenavista Bacon District sa Sorsogon City  at siya rin ang nag-asikaso para magkaroon ng libreng kasalan sa nabanggit na lugar.

“‘Yung community kasi, dahil nasa bundok, walang kotse, walang sasakyan. Eh gusto ko rin maging special ‘yung occasion. Kaya nung makita ko na madaming kalabaw, kalabaw na lang ang gagamitin,” ani Father.

Ayon pa kay Dolosa sa ulat ng ABS-CBN, “Sabi ko, kalabaw ang susundo sa bahay niyo. Tapos, ibaba kayo sa harap ng kapilya. Ayun, pumayag naman sila at nilagyan na lang ng dekorasyon.”

Dahil na rin sa protocol na dala ng pandemya ay tatlong pares lamang ang ikinasal at ang tanging lumahok lamang sa seremonya sa kapilya ay tatlong pares ng ninong at ninang.

Wala itong mga abay kundi ang mga mahahalagang tao lamang ang pinadalo sa nasabing kasalan.

Pagkatapos ng seremonya ay agad silang dumiretso sa kani-kanilang bahay para sa kainan o handaan.

“Dati kasi, ang ginagawa ko, sa labas ng simbahan nagkainan lahat. Kaso ngayon, ‘di ba may mga protocol na sinusunod. Eh, magkakaroon ng malaking crowd. Kaya sabi ko, mag-kaniya-kaniya na lang ng bahay,” sabi ni Dolosa.

Sobra ang saya ng mga bagong kasal. Bukod sa magandang naisip ng pari ay libre pa umano ang kanilang kasal na mass wedding para sa kanila ng Commission on Family and Human Life ng parokya ni Dolosa.

“Base kasi sa survery, maraming hindi kasal at maraming hindi na rin kasal sa simbahan dahil wala umanong pera o kaya hirap mag-asikaso sa kailangang requirements. Kaya ‘yung simbahan nag-initiate ng program, with the Commission on Human Life, na magkaroon ng mass wedding sa sitio sa bawat kapilya, hindi na lang sa parish level. Kasi minsan, nahihiya ‘yung iba sa sentro. Kaya ako na ang pumunta sa kapi-kapilya,” ani Dolosa.

Ayon pa kay Dolosa, ang kasal ay mahalaga sapagkat karapatan ng bawat isa na matanggap ang sakramentong ito para maging legal ang kanilang pagsasama at legal din sa mata ng Panginoon.

Para rin aniya ito sa mag-asawa at sa kanilang mga anak dahil mas pinapatatag ng pagpapakasal sa simbahan ang kanilang pagsasama. Aniya, kung hindi pa kasal ang magpa-pares, mabilis umano ang paghihiwalay.

“They need to stick to one another… whatever happens kasi nga, at least sa isip nila, kasal sila,” ani Dolosa.

Post a Comment

Previous Post Next Post