Pagkatapos ng dalawang taong pagtatrabaho sa United Kingdom, sa wakas ay nakauwi na rin sa Pilipinas ang COVID-19 nurse na si Kim Martin.
Nagpanggap umano si Kim bilang isang delivery rider ng Lalamove upang surpresahin ang kaniyang pamilya. Dumating siya sa computer shop nila sa Pateros noong Pebrero 20, 2022 upang ‘i-deliver’ ang food items sa kaniyang pamilya na nagkakahalaga na P1,700.
Walang kaalam-alam ang ina ni Kim na anak niya ang nagde-deliver.
Mapapansin naman sa video na tila pinagtalunan pa ng isang babae at ina ni Kim ang idineliver na pagkain sa kanila dahil wala naman daw itong ino-order.

Nang pinapasok ang delivery rider para ipatong ang mga pagkain sa mesa ay tinanggal na nito ang kaniyang helmet at nilapitan ang kaniyang ina.
Sobrang tuwa naman ng kaniyang ina nang makita siya nito at dali-daling niyakap nang mahigpit ang anak.
“Hindi ako nakaramdam na may tinatago pala sila. Salamat sa lahat ng kasabwat,” ani Gigi, ina ni Kim. “Wala nga ako kaalam-alam, nalusutan ako, ‘di gumana pagka-marites ko,” dagdag pa niya.
Matapos ang yakapan ng mag-ina ay lumapit na rin ang kaniyang ama at nagyakapan silang dalawa.
Samantala, sinurpresa din ni Kim ang kaniyang 7-anyos na anak na lalaki na si Zachy at agad naman siyang nakilala ng anak nang itaas niya ang face shield visor ng kaniyang helmet. Matinding pagkikita na naghatid ng labis na saya sa mag-ama.

“Nakakapanibago (makulit ulit si Zach). Lalo na dapat may script pa ako dun sa surprise ko kay Zach pero wala akong nasabi kasi naiiyak ako that time sa tuwa,” ani Kim.
Isa siya sa mga nurse na pinagbawalan na umalis ng bansa noong 2020 dahil sa deployment ban ng gobyerno.
“We were supposed to leave the Philippines in April 2020. Imagine the delay,” aniya.
“Sobrang nakaka-depress kasi to think na early ako nag-resign nun eh, around December 2019 just to spend more time with my family.”
“So we were left with nothing. Sobrang natakot ako noon kasi I did not have another option or plan B.”
Walang choice si Kim kundi ang maghintay. Setyembre 2020 lamang nang bigyan siya ng ‘go signal’ para umalis sa bansa.
Nagsimulang magtrabaho si Kim bilang isang ICU nurse para sa isang adult COVID ward sa isang ospital sa Harrow, Greater Londin noong Oktubre 2020.

Sa kabila ng pangungulila niya ay nag-abroad siya para maging mas maganda ang maibigay niya sa kanyang anak at mga magulang.
Nakatakda siyang umalis muli ng bansa sa buwang ito. Be strong, Kabayan! Be safe!