Pangulong Duterte inaprubahan ang P200 buwanang 'ayuda' para sa mahihirap na pamilya; excise tax sa gasolina mananatili

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng P200 buwanang allowance o “ayuda” para sa mahihirap na sambahayan sa loob ng isang buong taon upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, ito’y ayon sa Malacañang nitong Miyerkules.

Sa briefing ng Palasyo, sinabi ni acting presidential spokesperson Martin Andanar na inaprubahan ni Duterte ang dalawang rekomendasyon ng Department of Finance (DOF) kaugnay ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

“Inaprubahan ng Pangulo ang dalawang rekomendasyon ng DOF kaugnay sa pagtaas ng fuel price [The President has approved the two recommendations of the DOF regarding the fuel price hikes],” ani Andanar.

“Una, ang pag-retain ng fuel excise taxes na ini-impose ng TRAIN [Tax Reform for Acceleration and Inclusion] Law dahil ang pagsuspende nito ay magre-reduce ng government revenue ng P105.9 billion na magpopondo sa mga programa ng pamahalaan. At pangalawa, ang pagbibigay ng targeted subsidies ng P200 bawat household to the bottom 50% of Filipino households,” dagdag pa nito.

Sa Talk to the People ni Duterte noong Martes na ipinalabas noong Miyerkules, iminungkahi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na magbigay ng P200 buwanang subsidy para sa mahihirap na sambahayan sa loob ng isang buong taon upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo. Inirekomenda rin niya na panatilihin ang excise tax sa gasolina.

Aminado si Dominguez na maaaring hindi sapat ang halaga ngunit ipinunto niya na ito ang kayang ibigay ng gobyerno sa ngayon.

Ang target na subsidies ay aabot sa P33.1 bilyon sa budgetary requirements, ayon kay Dominguez.

Sinabi rin nito na ang pondo para sa subsidy ay manggagaling sa mas mataas na koleksyon ng value-added tax (VAT) dahil sa mataas na presyo ng gasolina.

Sa $110 kada barrel na presyo ng krudo sa Dubai, sinabi ng Finance Secretary na tataas ang kita ng VAT ng P26 bilyon. Sa $125 kada bariles na presyo ng krudo ng Dubai, tataas ang kita ng VAT ng P34.6 bilyon.

Noong Martes, nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng malaking pagtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo, na minarkahan noong ika-11 Marso.

Ang mga presyo ng kada litro ng mga produktong petrolyo ay tumaas tulad ng mga sumusunod: gasolina ng P7.10, diesel ng P13.15, at kerosene ng P10.50.

Nanindigan ang Department of Energy na ang patuloy na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine ay nagbunsod ng pagtaas sa mga pandaigdigang presyo.

Ang Pilipinas ay hindi direktang nag-aangkat mula sa Russia, ngunit ang mga bansang pinagkukunan ng supply ng PH ay sa Russia naman umaangkat.

Post a Comment

Previous Post Next Post