Yes! Matapos humingi ng tulong ng isang ina sa mga awtoridad, nabawi na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sanggol na kanyang ibinenta dahil nalulong ito sa e-sabong.
Ayon sa ulat, na-rescue ng mga awtoridad sa ilalim ng Trafficking Division ang 9 na buwang gulang na sanggol na tinawag na si baby “Miracle”. Nabawi ang bata sa isang mag-asawa sa ginawang operasyon sa Sta. Cruz, Laguna nitong Martes, Marso 22. Lumalabas na ibinentang muli ang bata ng taong unang nakabili sa sanggol.
Salamat na lamang at nakasama ang mismong tatay ni ‘Miracle’ sa isinagawang operasyon. Agad nitong kinilala ang sanggol nang tumanggi ang mga nasakote na iyon ang pakay nilang bata.

Back Story
Kamakailan ay napaulat na ibinenta ng isang nanay ang kaniyang anak sa halagang P45,000 dahil nagkandautang-utang at nalulong ito sa e-sabong. Nang mahimasmasan ay tinangka nitong bawiin ang anak ngunit hindi na naabutan ang lalaking bumili sa kanyang sanggol.
Marso a-3 umano nang makipagkita siya sa buyer sa isang fast food store sa Quezon City.
Hiningan umano siya ng ID at pinapirma ng mga dokumento, ngunit hindi siya binigyan ng kopya. Wala rin siyang larawan ng taong bumili sa kanyang anak.
Sinubukan niya raw na kontakin sa Facebook ang buyer subalit hindi na ito sumasagot sa kaniyang mga mensahe at pakiusap at binlock na rin siya.

Dahil dito, nagpasiya ang nanay na humingi ng tulong sa mga awtoridad upang matunton ang taong bumili at mabawi ang kaniyang anak.
Dumulog sa NBI ang nanay matapos umano nitong mapagtanto ang maling nagawa. Sa pamamagitan ng media ay nakiusap ito sa buyer na ibalik na ang kaniyang anak at handa siyang isauli ang ibinayad na pera.
Pakiusap ng ina, “Sana po makipagtulungan na po siyang ibalik ang anak namin. Ibabalik naman po ang pera. Hindi ko na po gagawin ang ginawa ko po.”
Inamin ng nanay na nabaon siya sa utang dahil sa e-sabong kaya umano niya ibinenta ang kaniyang anak sa halagang P45,000 ngunit labis na niya itong pinagsisihan.
Samantala, panoorin ang pagkakasagip sa sanggol mula sa isang Pinay at asawa nitong Nigerian sa ulat ng ABS CBN News: