Tambalang 'DonEkla' buwag na nga ba? Super Tekla ‘unprofessional’ at ‘tamad’ raw, ayon kay Donita Nose

Marami ang nalulungkot at nanghihinayang ngayon sa kinahinatnan ng pagkakaibigan nina Donita Nose at Super Tekla na posibleng humantong sa paghihiwalay.

Ito ay matapos ihayag ng dalawang komedyante ang totoong estado ng kanilang relasyon bilang magkaibigan at magka-tandem na vlogger.

Sa madamdaming rebelasyon sa kanilang You Tube channel noong Pebrero 18, naglabas ng sama ng loob si Donita Nose kay Super Tekla dahil umano sa ‘katamaran’ at pagiging iresponsable ng huli pagdating sa kanilang vlogs.

Ang kanilang YT channel na ‘Donekla in Tandem’ ay may kasalukuyang 3.21 milyong subscribers.

Ayon kay Donita Nose, halos tatlong linggo na silang hindi nag-uusap ni Tekla kahit magkasama sila sa bahay.

“Magkasama kami sa bahay, hindi kami nagpapansinan, hindi kami nag-uusap, as in wala talaga. Hanggang sa nakalipat na kami sa kanya-kayang bahay namin. Wala talagang usap,” pagtatapat nito.

Bagama’t magkasamang nag-live stream at magkatabi sa sofa, halata naman ang tensiyon sa dalawa lalo na ang pagkadismaya ni Donita sa kaniyang kaibigan.

Kahit pa raw naghiwalay na sila ng bahay ay wala talagang imikan habang naghahakot ng kani-kaniyang mga gamit.

Inamin rin ni Donita na masama ang loob niya kay Super Tekla dahil sa ‘ugali’ nito.

“Sa totoo lang, si Tekla pagdating sa trabaho, pagdating sa vlog namin, ‘di siya professional. May katamaran,” wika ng komedyante.

Kadalasan raw ay ite-text niya lang ito para pumunta subalit minsan ay ayaw pa at maraming dahilan.

“Sayang yung 3 million subscribers. Pero ako lang palagi? Isang taon na nga ‘yung nangyari,” lahad ni Donita.

Masama rin umano ang loob niya sa mga tagahanga ni Super Tekla dahil nagagalit sa kaniyang pananalita kapag magkasama sila sa vlogs.

Mali rin umano ang akala ng iba na sumasakay lamang siya sa kasikatan ng kaniyang kaibigan dahil kaya niyang tumayo sa sarili niyang paa.

Samantala, inamin naman ni Tekla na siya talaga ang nagdesisyon na maghiwalay muna sila ni Donita Nose.

“Kasi, may pinagdadaanan ako lately na ayoko na siya maistorbo pa. Ayaw ko nang makadagdag sa isipin niya. Sinarili ko na lang. Kailangan natin maghiwalay,” pag-amin nito.

Sa bandang huli ay nakiusap din siya na huwag nang i-bash si Donita dahil siya talaga ang may mali.

Pinag-iisipan naman nila ang kahihinatnan ngayon ng kanilang channel at ang mahigit 3 milyong subscribers nito.

Panoorin ang kanilang madamdaming rebelasyon:

Post a Comment

Previous Post Next Post