Willie Revillame inendorso ang kandidatura ni Inday Sara para bise presidente

Idinaan sa kanta ni Willie Revillame ang ginawang pag-endorso sa kandidatura ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumatakbo bilang bise presidente.

Sa pamamagitan ng binagong lyrics ng kaniyang kantang ‘Ikaw na nga’, inilarawan ni Kuya Wil si Inday Sara bilang ‘Ilaw ng tahanan’.

“Inday Sara ang siyang kailangan ng bayan, ang siyang magbibigay ng saya, ng ngiting kay tamis sa kanino man. Inday Sara ang siyang ilaw ng tahanan, sa piling mo, matatagpuan bukas na kay ganda sa ating bayan, Sara, ikaw na nga,” awit ni Willie sa nakaraang ‘Wowowin’ live episode na itinanghal sa Cebu City noong isang araw.

Maliban sa pag-endorso sa kandidatura ng alkalde, nag-alok din ng tulong ang comedian-host at ipinangakong magiging tulay siya ng bawat Pinoy na nangangailangan ng tulong.

Hindi rin umano siya magpapabayad kapalit ng tulong na ito, ani Willie.

“Kung anong maitutulong namin sa ‘yo, kung anong maitutulong ko sa ‘yo, kung kailangan mo ako, walang kabayaran, wala. Ang gusto ko lang ang ngiti sa mga labi ng ating kababayan,” ayon kay Kuya Wil.

Sa naturang episode, ipinalabas din ang video message ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kaniyang panganay na anak.

“So, ‘Day, be true to your country, work hard for the people. And the rewards I think may be–are there, made in heaven. Not here. Trabaho ka lang and be good. I love you,” maikling mensahe ng presidente.

Sa kaniyang namang talumpati, ipinaalala ni Inday Sara sa mga taga-Cebu ang 12 kandidato na kabilang sa senatorial slate ng UniTeam nila ni presidential bet Bongbong Marcos.

Umaasa umano siya na iboboto ng mga ito ang buong UniTeam sa darating na halalan sa Mayo.

Ang tambalang Marcos-Duterte ang patuloy na nangunguna sa mga nakaraang survey ng Pulse Asia, SWS at Publicus Asia at base sa mga ito. Tila malayong-malayo ang kanilang agwat sa pinakamalapit na karibal sa posisyon.

Panoorin:

Post a Comment

Previous Post Next Post