Ilang araw matapos humingi ng dasal para sa kanyang kalusugan, nagpapasalamat naman ngayon si host Willie Revillame na hindi cancerous ang mga polyp na natagpuan sa kanyang katawan.
Nauna nang ibinahagi ni Willie, mas kilala bilang Kuya Wil, sa isang live streaming ng kanyang palabas na Wowowin na sumailalim siya sa executive checkup, Nakita umano ng mga doktor ang mga pinaghihinalaang polyp sa kaniyang tiyan at colon.

“Meron akong stapler,” ani Wil kung saan ipinaliwanag niya na hindi siya nakasayaw at nakakanta nang mag-air siya noong Marso 24.
“Nagkaroon ako ng colonoscopy, endoscopy, sa heart, lahat. Hindi naman malungkot kaya lang medyo s’yempre may konting worries.”
“Merong nakitang polyps sa ‘kin, dalawa, isa sa colon at isa sa stomach. Medyo malaki po, one centimeter ‘yung sa stomach at ito po ay — sana ‘wag naman —pero prone ata po ito sa cancer.”
“Hinihingi ko lang na sana ipagdasal n’yo ako na hindi maging cancer ‘yon para tuloy-tuloy ako sa inyo,” ani ng 61-year-old sa mga viewers at supporters habang hinihintay ang resulta ng kanyang medical test.
Ikinuwento ni Wiillie na dati siyang nagkaroon ng mga polyps noong 2019 ngunit napag-alamang benign noong panahong iyon.

“Madalas merong ganoon, natatanggal naman every year. Eh two years ho tayong hindi nagpa-executive check up because of COVID. So, dalawang taon akong hindi na-check, and then merong nakita sa stomach ko,” aniya.
Noong Lunes, ibinunyag ng Wowowin host ang resulta ng kanyang screening test, at ibinahagi ang pag-uusap nila ng kanyang doktor.
“Sabi niya, ‘O, Willie, kumusta ka? Sobra ka magdasal. Good news, negative ka sa cancer!’ Thank you Lord! Thank you,” bulalas ni Willie na umamin na wala siyang tulog at labis na nag-alala habang hinihintay ang resulta.

“Maraming-maraming salamat po sa lahat ng mga nagdasal sa akin. Medyo hindi ako nakakatulog ng ilang gabi. Sabi ko nga, I’m ready. If worse comes to worst, ooperahan ako, puputulin yung bituka ko, ready naman ako.”
Pinayuhan ni Willie ang kaniyang mga manonood na magkaroon ng regular na medical checkup upang maiwasan ang mga panganib na magkaroon ng malubhang isyu sa kalusugan.
“Wala naman akong nararamdaman pero meron pala kong polyps na ganun so advice ko sa inyo na magpa-check up kayo. Nandyan ang ating mga dalubhasa.”
“Tingnan n’yo, isipin n’yo hindi ko in-expect na gano’n. Wala akong nararamdaman pero meron palang nakadikit sa aking stomach.”
Panoorin.