“’Lawyering o ‘yung buhay mo?’ sabi ko, ‘Doc, parehas. Hindi puwedeng isa lang.’”
Nag-viral sa social media ang 34-anyos na si Irene Joy Mendoza-Ulep mula sa Batangas dahil sa kaniyang emosyonal na reaksyon matapos makapasa sa kauna-unahang digitalized Bar exams.
Sinabi ni Irene na hindi madaling journey para sa kaniya ang pagiging abogado.
Noong 2014, na-diagnose siyang may stage 3C germ cell cancer at nalaman niyang mayroon siyang 13cm na cyst.
Idinagdag niya na noong nagsimula siyang sumailalim sa chemotherapy pagkatapos ng kaniyang operasyon, doon niya napagtanto kung gaano kahirap ang kaniyang sitwasyon.

Kinailangan niyang i-juggle ang kaniyang oras para sa law school habang sumasailalim sa mga paggamot.
Apat na beses na nilabanan ni Irene ang Big C habang nasa law school siya. Lumipat din siya sa ibang paaralan dahil sa mga kadahilanang pangkalusugan.
Pagkatapos ng kaniyang graduation noong 2016, gusto niya munang kumuha ng Bar exam ngunit hindi siya binigyan ng clearance ng kanyang mga doktor.
Pero nagdesisyon si Irene na mag-enroll sa isang Bar review center kasama ang asawa.

“Sabi ng nanay ko hindi pa tapos ang journey ko, sabi niya ‘mag-enroll ka sa review center.’ Nag-enroll ako, kasama ko ‘yung asawa ko, seryoso siyang nagre-review, ako nandun lang. Para lang malaman ko ‘yung pakiramdam. Kasi sabi ng nanay ko ‘paano kapag nawala ka sa mundo tapos ‘di mo man lang naramdaman mag-review. Review-review-han lang tayo’,” pagbabahagi niya.
Kinuha niya ang kaniyang unang Bar exam noong 2019. Ngunit sa kasamaang-palad ay hindi siya nakapasa.
Sa parehong taon ay namatay ang kaniyang ina. Hindi niya makalilimutan ang mga huling salita ng kaniyang ina, na nagbigay inspirasyon upang ipagpatuloy niya ang kaniyang mga pangarap.

Nagpasya naman siyang ilaan ang kanyang oras sa pagre-review para sa 2020 Bar exams ngunit nangyari ang pandemya at ang mga pagsusulit sa Bar ay nakansela sa loob ng dalawang taon.
Taong 2022, sa wakas ay isa nang abogado si Irene. Kabilang siya sa 8,241 examinees na nakapasa sa Bar exams.
Sinabi ni Irene na sa buong journey niya hanggang sa magtagumpay ay hindi man lang siya nagdalawang-isip na sumuko sa buhay.

Nagpapasalamat si Irene sa lahat ng sumuporta sa kanya, lalo na sa kaniyang mga magulang at asawa.
Plano niyang magtrabaho bilang isang abogado ng gobyerno at magturo sa law students.
Panoorin ang kanyang kuwento sa video na ibinahagi ng PhilStar:
