Herbert Bautista humingi ng sorry matapos ang viral video hinggil sa pumatid sa kaniya

Sa panayam ng SMNI News kay Senatorial candidate Herbert Bautista, inamin niyang hindi tama ang ipinakita niyang ugali matapos siya umanong patirin ng isang tao sa venue ng Uniteam rally sa Quezon City noong Abril 13.

Humingi ng paumanhin si Herbert sa inasal niyang ito.

“First po, I’d like to apologize for that behavior of mine. Nagalit ako. It got the best of me. Parang mali e,” aniya.

Iginiit naman niya na pinatid siya ng marshal na nagbabantay sa gate habang papasok na siya sa venue.

“Noong papasok na kami, nadapa ako. Pag tingin ko, nakita ko ‘yung paa nung nagbabantay, nakita kong gumanon saka umurong,” kuwento niya.

“Sabi ko, ‘Bakit mo ako pinatid?’ Nagalit na ‘ko. Hanggang nagpunta kami sa kabilang side. Hopefully we were able to settle things. I’d like to apologize for that behavior. Okay lang sa akin na verbal-an tayo pero pag pinisikal mo ‘ko, ibang usapan na iyon,” dagdag pa niya.

Kalaunan naman ay nagkausap sila ng taong pumatid sa kaniya at nagkaayos din.

Matatandaang nag-viral kamakailan ang video ni Herbert kung saan hindi siya pinapasok ng bantay sa Uniteam rally sa Quezon City.

Mapapanood sa video na hinarang ng marshal si Herbert dahil wala itong suot na bracelet tag kahit pa mayroon siyang ID ng UniTeam.

“Sino po ang contact person ninyo?” tanong ng marshal sa dating Quezon City Mayor.

Tumalikod si Herbert at sinabing hindi na siya lalahok sa rally.

“Kunin mo ang pangalan niyan. Hindi ako magra-rally dahil sa iyo. Pati mga kasama ko, hindi mo pinapapasok,” aniya.

Agad namang humingi ng paumanhin ang marshal at ipinaliwanag nito na kailangan ng bracelet tag ng mga papasok.

“Bigyan mo ako, papasok ako. May maibibigay ka ba sa akin? One, two, three, four, apat kami,” ani Herbert.

Bumalik ang marshal na may kasamang lalaki na dala-dala na ang bracelet passes para sa grupo ni Herbert.

Pero habang papasok na sila sa area na itinalaga sa mga kandidato at staff ng UniTeam ay natalisod si Herbert sa harap ng isa pang marshal.

Panoorin ang kanyang paghingi ng paumanhin:

Post a Comment

Previous Post Next Post