Ai Ai mahinahong sinagot ang pasaring sa kaniya ni Audie Gemora: 'I wish him well'

Dahil nga eleksyon at iba-ibang kandidato ang sinusuportahan, maraming celebrities ngayon ang nagkakaroon ng iringan, tampuhan, patutsadahan at palitan ng salungat na opinion.

Kabilang na rito ang komedyanteng si Ai Ai de las at ang beteranong singer at stage actor-director na si Audie Gemora.

Kamakailan kasi ay nagreact si Audie sa isang post ni Pokwang na tila may pasaring kay Ai-Ai.

“I always thought Pokwang funnier, more intelligent than Ai-Ai,” ani Audie sa kanyang tweet.

Ang singer-actor at si Pokwang ay sinusuportahan ang kandidatura nina VP Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan, habang si Ai Ai naman ay nagpahayag na ng suporta kay Bongbong Marcos at Mayor Sara Duterte.

May mahinahong sagot naman dito si Ai Ai na umaming pinag-isipan na talaga kung paano magre-react sa post ni Audie.

“Paano ko ba ito masasagot na hindi ako plastik at saka hindi talaga ako ‘yung nagdudunung-dunungan o nagbabait-baitan. Kaya sabi ko talaga, ‘Lord, paano ko ba sasagutin ito nang bukal sa puso ko talaga?” bungad ng komedyante sa presscon ng ‘Raising Mamay’.

Unang-una raw ay napakapalad niya dahil mayroon siyang project ngayon. Bukod dito, hindi rin umano sila nagka-COVID o nagkasakit ng kaniyang mga anak at asawa.

“May asawa akong mapagmahal. Kumbaga, napakarami kong blessings, and I hope, siya rin,” patuloy ng ‘Tanging Ina’ star, patungkol kay Audie.

“I wish him well, and sana maging marami rin siyang blessings para makita niya ang kagandahan ng bawat isa sa atin. Ginawa tayo ni God in our own unique ways so in God’s eyes, iba-iba tayo,” dagdag pa nito.

Inamin din ng komedyante na maging sila sa kaniyang pamilya ay nagkahati-hati din dahil nga sa iba-ibang pananaw sa pulitika.

“Isang araw lang naman ito. Pagkatapos nito, magkakaibigan uli kayo, magkakamag-anak kayo. So, I think na mas maganda rin na be careful kayo sa mga sasabihin ninyo o bibitawang salita,” wika pa ni Ai Ai.

Si Ai Ai ay isa lamang sa mga celebrities na ineendorso ang kandidatura ni Marcos na kinabibilangan din nina Toni Gonzaga, Andrew E., Randy Santiago, Elizabeth Oropesa at iba pang artista.

Post a Comment

Previous Post Next Post