Sa Toni Talks ay nakapanayam ni Toni Gonzaga ang dating kalihim ng Department of Information and Communications Technology na si Gringo Honasan.
Inamin nito na noong una ay pinangarap raw niyang maging pari. Ngunit napagtanto niyang hindi naman kailangang magpari upang maglingkod.
Pagkatapos ay ginusto rin niyang maging doktor, subalit hindi pumayag ang kaniyang ama na isang sundalo dahil malaking pera ang kailangan nila para sa kaniyang matrikula.

Kaya naman nagdesisyon na lang siyang kumuha ng kursong Economics sa University of the Philippines at nakatatlong semestre siya.
Hinimok siya ng kanyang ama na nasa militar na mag-apply sa Philippine Military Academy o PMA at sa awa ng Diyos ay nakapasa naman siya.
Ang Kuwento sa likod ng 1986 EDSA Revolution
Tinalakay naman nila ang mga naging karanasan ni Honasan noong 1986 EDSA Revolution. Inamin at ipinaliwanag niya na ang bida talaga noon ay ang ‘People Power’; na kaya siya tumiwalag sa pamahalaan ay para sa pagbabago.
Natanong ni Gonzaga kung sino ang ibinoto niya sa naganap na snap election sa pagitan ng mga dating pangulo na sina Cory Aquino at Ferdinand Marcos, Sr.

Inamin naman ni Honasan na si Marcos ang kaniyang ibinoto. Ikinuwento rin niya na sinabi sa kaniya ni dating pangulong Cory na siya na lamang ang iboto pero hindi niya ito magagawa dahil sundalo siya ng pamahalaan.
Dagdag pa niya, bahagi ng pagiging demokratikong bansa ang pagkakaroon ng malakas na oposisyon upang may mapagpilian ang mga tao.
Bagama’t sundalo sila ng pamahalaan, aminado rin si Honasan na sila rin ang isa sa mga naging dahilan kung bakit napatalsik si dating pangulong Marcos.

Isa rin sa mga natanong kay Honasan ay kung bakit daw maraming kudeta sa panahon ni Pangulong Cory.
“Masyadong galit ‘yung gobyernong pumalit lahat ng may kinalaman remotely with the previous administration, masama. ‘Di ba presidente ka na ng lahat ng Pilipino, kasama ‘yung mga kalaban mo sa politika, kasama na siguro ‘yung mga pinagdududahan, pumaslang sa asawa mo, which has never been resolved. Pag ganoon siguro, you rise to the level of a states person,” ani Honasan.
Panoorin ang buong video upang malaman ang mga naging kaganapan mula sa mismong paglalahad ni Honasan.