Bakit nga ba mukhang ‘gigil na gigil’ si Manay Lolit Solis kay Bea Alonzo?
Ito ang tanong ng maraming netizens na nakapansing halos lagi na lamang pinupuntirya ni Lolit si Bea sa kaniyang mga huling Instagram post.

Kabilang na rito ang pagpuna ng talent manager sa diumano’y matumal na benta ng mga produktong ineendorso ng dating Kapamilya actress.
Maging ang edad ni Bea na 34 anyos ay pinansin din ni Manay Lolit na nagsabi pang malapit nang maging ‘senior actress’ ang ‘One More Chance’ star. Marami lang daw produkto na inilalagay para maalis ang wrinkles sa mukha ni Bea para manatili itong mukhang bata at hindi mapagkamalang ‘tita’ ni Alden Richards na kapareha nito sa ilang endorsement.

Sa vlog ni Ogie Diaz nitong Martes, Abril 5, ibinahagi niya ang maaaring dahilan kung bakit hindi tinatantanan ni Manay Lolit si Bea.
Lumalabas raw na na-offend si Lolit nang malamang tinanggal siya sa listahan ng mga inimbitahang media personalities para sa launching ng isang brand na ineendorso ni Bea.
“Nakarating kay Ate Lolit na tinanggal ‘yung pangalan niya. Eh, ang dating kay Ate Lolit ay si Bea ang may desisyon para alisin siya,” lahad ni Ogie.

Ito kasi talaga ang mapapansin sa mga Instagram post ni Lolit na tila pinahahagingan ang aktres.
“Alagaan talaga ni Bea Alonzo ang face at katawan, iyan ang investment niya para may power siya na mag cancel ng invited guests sa launching ng product na endorse niya na sana ay binili sa market ng mga followers niya para naman kumita sana ang business ng kumuha model sa kanya,” ayon sa pinakahuling post ng talent manager.
Maging noong isang araw ay ganito rin ang laman ng kaniyang Instagram post.
Ani Lolit, “Sana hindi tayo ma cancel pag na invite, baka gayahin nila si Bea Alonzo, hindi sisipot pag nanduon tayong tatlo, huh huh huh. Sana si Bea Alonzo at Shirley Kuan lang ang may ganuon drama.”
Si Shirley Kuan ang manager ni Bea na ayon kay Ogie ay maaaring ang totoong nasa likod ng pagkansela sa pangalan ni Lolit Solis sa listahan.
Para naman kay Ogie, bilang isang talent manager ay nauunawaan niya ito dahil ginagawa niya rin ang ‘pag-scratch’ ng pangalan para sa kaniyang mga alaga gaya ni Liza Soberano. Ang pagkakaalam niya umano ay ginagawa rin ito ni Lolit dahil isa rin itong talent manager.
Hiling naman ni Ogie ay magkabati na ang dalawa. Madali lang daw itong mangyari oras na lapitan mismo ni Bea si Lolit at makipagbati at magpaliwanag.
Panoorin ang pinakahuling Ogie Diaz Showbiz Update kung saan ay tinalakay niya ang isyu: