Hindi raw lingid sa tinaguriang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez na unti-unti nang nagbabago ang tinig niya. Gayunman, hindi raw siya nababahala sa pagbabagong nagaganap at tanggap niya ito bilang normal na parte ng buhay.
Sa isang press conference, sinabi ni Regine na hindi niya ikinalulungkot kahit na napapansin niya mismo ang kaibahan ng tinig niya ngayon sa boses niya noong nagsimula siya bilang isang mang-aawit ilang dekada pabalik. Aniya, wala naman siyang magagawa sa hormonal changes sa kanyang katawan.

“You know when you are a woman, there are so many things changing in your body. ‘Yong mga hormone, it affects your voice,” paliwanag niya, ayon sa ulat ng ABS-CBN.
Kuwento pa ng singer-actress, mas nag-e-effort na raw siya ngayon sa pagkanta at hindi na kagaya dati na mas madali sa kanya ang lahat.
“Noong bata ako, parang kahit tulog ako, kaya ko kumanta. It’s not like that anymore,” wika niya.
Sa kabila nito, nakikita raw ni Regine na blessing in disguise ang nangyari dahil mas naa-appreciate niya raw ngayon ang kanyang propesyon. Mas may effort, mas rewarding, ‘ika nga.

“It’s okay because now that I actually feel ‘yong medyo may konting difficulties at singing, mas actually naa-appreciate ko siya only because nga may konting effort na. May effort na, dati kasi wala eh,” saad ng bantog na diva.
At kahit hindi na raw katunog dati, tanggap na tanggap ito ni Regine dahil hindi na rin naman daw nakagugulat ito ngayong nagkakaedad na siya.
“It doesn’t sound the same. I am okay with that kasi ang weird naman kung 50 years old na tapos [ang tinis] pa rin. Ang weird eh,” aniya.
Hindi rin naman natatapos ang karera ni Regine sa pag-iiba ng boses niya. Sa katunayan, nakatakdang i-restage ang “Iconic” concert nila ng kanyang malapit na kaibigang si Megastar Sharon Cuneta sa darating ma June 17 at 18 sa ganap na ikawalo ng gabi sa Marriott Grand Ballroom of Resorts World Manila. Ang nasabing concert ay nauna nang itinanghal noong 2019 sa Araneta Coliseum.
