Sa kauna-unahang pagkakataon, isinapubliko na ni Carla Abellana kung sino ang kaniyang sinusuportahang kandidato sa pagkapangulo.
Sa kaniyang Instagram post nitong Martes, Abril 19, makikita sa video ang Kapuso actress na may suot na pink na tank top habang naglalagay ng lipstick sa kaniyang labi.

Ang nasabing post ng misis ni Tom Rodriguez ay may kalakip ding hashtag na #LetLeniLead, #LetLeniLead2022, #IpanaloNa10ParaSaLahat.
Dahil dito, malinaw na isa rin palang ‘Kakampink’ si Carla at si Vice President Leni Robredo ang kaniyang sinusuportahang kandidato sa darating na halalan sa Mayo.
Marami namang kapwa-celebrities at fellow ‘Kakampinks’ ni Carla ang natuwa at nag-iwan ng komento sa kaniyang post matapos ang rebelasyong ito ng aktres.

Kabilang sa mga nag-comment sa naturang post ay sina Rita Avila, Melai Cantiveros, Pokwang at Agot Isidro na pawang supporters ni Robredo.
Sa kaniyang sumunod na post, tila may hugot pa ang anak ni PJ Abellana tungkol naman sa diumano’y diskriminasyon laban sa mga kababaihan.

Dito ay larawan naman mismo ni Carla ang kaniyang ibinahagi na mayroong rosas na bulaklak paikot habang nakasulat ang salitang ‘BABAE’ sa ibaba nito.
Dito ay tahasan na niyang sinabi na siya ay isang ‘Kakampink loud, proud and clear’. Sinundan niya ito ng isang makahulugang pahayag na may titulong ‘Angat ang Babae!’

Ani Carla, “Hanggang ngayon, lantaran pa rin ang diskriminasyon at pagmamaliit sa mga kababaihan. Kinakailangan pa nating patunayan ang mga sarili para lang kilalanin at respetuhin ng lipunan.”
“Tandaan, babae ka, hindi babae lang! Patuloy tayong lumaban para sa isang kulay rosas na kinabukasan!” patuloy pa ng aktres na may mga kalakip na hashtags na halatang pabor kay VP Leni.
Nadagdag na rin si Carla sa listahan ng maraming celebrities na sumusuporta ngayon kay Robredo at ilan lamang sa mga ito ay sina Daniel Padilla, Piolo Pascual, Nadine Lustre, Anne Curtis, Donny Pangilinan, Ely Buendia at Angel Locsin.

Noong Marso, niyaya pa ni Angel si Carla na maging ‘Kakampinks’ na rin matapos mag-heart react ang huli sa Instagram post tungkol sa isang kaganapan sa grand rally ni Robredo sa Pasig City.
“@carlaangeline join ka next time! :),” ani Angel, na tila ngayon ay nangyari na nga.