Criminology student napagsasabay ang pag-aaral at pagiging Grab food delivery rider

Hinangaan ng mga netizens ang isang 22-anyos na food delivery rider, na isa ring college graduating student, dahil sa kabila ng pagtatrabaho ay naisasabay pa rin niya ang kaniyang pag-aaral para lamang sa gagastusin niya sa paaralan.

Nasa kalagitnaan siya ng pagde-deliver ng mga food orders nang magsimula ang kanyang online exam. Nakuha nito ang atensyon ng uploader na si Loyd Tolentino, ang assistant restaurant manager, na nag-post ng kanilang pag-uusap sa Facebook.

Lumapit at tinanong ito ni Loyd kung bakit hindi pa ito umaalis sapagkat kumpleto na raw ang order ng kaniyang dalawang customers.

Sinagot naman siya ng delivery rider at sinabing may exam ito at in-inform naman daw niya ang kaniyang customer na naghihintay ng orders.

Pagkatapos itong sabihin ng rider ay hinayaan na siya ni Loyd. Hindi raw naman nagtagal ng 5 mins nang matapos ito sa kaniyang pagsusulit.

“Nakakatuwa dahil may mga taong nagsusumikap para sa pangarap nila. Pinagsasabay ang pag-aaral at pagkita ng salapi. Laban lang,” ani Loyd.

“Kahit anong hirap gagawin para sa pangarap. Laban lang. God bless sa yo kuyang Grab rider,”  dagdag pa niya.

Ang working student na kinilalang si Jayson Bangayan ay kasalukuyang nasa huling termino bilang criminology student sa Universidad de Manila.

Sa panayam ng The Philippine STAR, ibinahagi ni Jayson na halos isang taon na siyang nagtatrabaho bilang food delivery rider.

“Since nagkapandemic at medyo humirap ang buhay, tinulungan ko po ’yung sarili ko pati ’yung family ko. Sabi ko po sa kanila na ako na po bahala sa mga gagastusin ko hanggang maka-graduate na ako,” aniya.

Ibinahagi din niya na mayroon siyang dalawang customer na naghihintay noong oras na kumuha siya ng pagsusulit. Parehong naunawaan ng mga customer ang kanyang sitwasyon at matiyagang naghintay para sa kanilang mga order.

Sabi ni Jayson na ang pagbabalik sa face-to-face classes ay naging hamon para sa isang working student na tulad niya.

Gayunpaman, alam niyang sulit ang lahat ng paghihirap kapag naabot na niya ang finish line at nakuha na niya ang degree na iyon.

Dahil napaka-inspiring ng kanyang kuwento ay umabot na sa mahigit 38K shares ang post ni Loyd.

Post a Comment

Previous Post Next Post