Darryl Yap nagpaliwanag kaugnay sa pagsuporta kay VP Leni ng isang cast ng Lenlen series

Nagsalita ang direktor na si Darryl Yap kaugnay sa pagpapakita ng suporta ng isa sa mga cast ng Lenlen series para sa kandidatura ni Vice President Leni Robredo.

Paglilinaw ni Yap, noon pa man ay alam na niyang Kakampink ang gumanap na “mosang” na si Rowena Quejada. Kinuha niya raw ito para sa role dahil alam niyang may kaalaman ito tungkol kay VP Leni.

“Our Mommy Rowena Wengkie Quejada has always been a KAKAMPINK. Wala pong #SwitchToLeni, kasi Leni po talaga siya noon pa man,” ani Yap.

“Hindi po totoong nagbago ng isip ang Mommy Weng namin… Talaga pong simula’t sapul siya ay makaLENI. Gayunpaman, walang lamat o bitak sa aming samahan; at siya mismo, naranasan nya nang personal ang kabaitan ni Senator Imee R. Marcos,” paliwanag ng direktor.

Dagdag pa niya, hindi lang ang kanilang Mommy Weng ang hindi sumusuporta sa kandidatura ni dating Sen. Bongbong Marcos.

“Ngayon, bakit po gulat na gulat ang mga kapwa niya Kakampink? Kasi po hindi nila alam na pwede pala iyon; ang magpatuloy ang pagkakaibigan at trabaho kahit magkaiba kayo ng paninindigang Politikal, basta manatili ang respeto at pagtanaw ng utang na loob,” dagdag niya.

“Siya po ay 12 years ko nang kaibigan at nanay-nanayan. hindi po si Leni o BBM ang susukat sa aming pagmamahal para sa isa’t-isa,” aniya.

Samantala, sinabi naman ni Quejada na masaya siyang bukas na sa publiko ang suporta niya kay VP Leni.

“Maraming maraming salamat KAKAMPINKS, sa pagmamahal, sa suporta, sa respeto. Lalo n’yo lang pinatunayan sa akin TAMA ANG DESISYON KO at TAMA ANG TININDIGAN ko,” sabi niya sa isang Facebook post.

Nagpasalamat din siya kay Yap dahil sa respeto at pang-unawa nito.

“MAGKAIBA NG KULAY, MAGKAIBA NG PANININDIGAN, MAGKAIBA NG TINITINDIGAN AT SINUSUPORTAHAN PERO PINAG-ISA NG RADIKAL NA PAGMAMAHAL.”

Hiling niya, sana ay ‘wag na silang pag-awayin.

“Malinaw po, hindi ang anumang eleksyon, hindi PINK at PULA, lalong hindi si LENI at BBM ang sisira sa aming dalawa,” pagdidiin nito.

Post a Comment

Previous Post Next Post