Sa gitna ng mainit na usapin tungkol sa pagkakamali ng ilang Pinoy Big Brother (PBB) housemates sa mga tanong na may kinalaman sa kasaysayan, sinabi ni Deparment of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na posibleng epekto ng education policy ng mga naunang administrasyon ang “MaJoHa issue”.

Ayon kay Briones, hindi naman tama na isisi lahat sa kanila ang kakulangan sa kaalaman sa kasaysayan ng mga teen housemates dahil posibleng namana lamang nila ang suliranin ng mga dating nangangasiwa sa sangay ng edukasyon. Kung titingnan daw, ang lebel ng mga batang talagang nasa ilalim na ng education system na pinamunuan nila ay mga nasa Grade 4 o Grade 6 pa lamang, kumpara sa mga kalahok sa reality show na ngayon ay nasa teenage years na.
“I’m just saying that, if you count the years, the years where the learners have been under our direct tutelage, probably would be at the most Grade 4 or 6. I’d just like to point that out. Because we say that education is in crisis, therefore this admin is to blame,” saad ni Briones sa ulat ng Rappler.
“We tend to forget that education policy is a result of policies under the leadership made before,” pagpapatuloy niya sa tugon na kanyang sinagot sa isang press conference.
Matatandaang naging viral ang mga teen contestant ng PBB matapos matanong kung ano ang tawag sa tatlong paring martir na sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora. Ang tugon ng mga housemate ay “MaJo” at pagkatapos ay “MaJoHa” ngunit ang tamang sagot ay “GomBurZa”. “MaJoHa” ang nag-viral na sagot mula sa nasabing episode.
Ani Briones, “faithfully implemented” ng DepEd ang curriculum na ipinasa sa kanila at sinalo rin nila ang mga suliranin ng mga nagdaang administrasyon.

Samantala, sa isang panayam ng Bombo Radyo Naga kay Deped UnderSercretary Diosdado San Antonio, binigyang diin ng opisyal hindi lamang dapat sa ahensya ipinupukol lahat ng sisi dahil may papel din sa pagtuturo sa mga kabataan ang mga magulang, simbahan, at maging ang mass media.
Wika ni San Antonio, posibleng hindi maayos na nagawa ng ahensiya ang inaasahang mga paraan ng pampanuruan pero hindi naman umano maaalis na talagang may mga mag-aaral na nagkulang o hindi nakapasa at may mga pagkakataon na hindi lahat ng tinuturo ng mga guro ang natututunan ng mga estudyante.
Nilininaw din ni San Antonio na natatalakay pa rin ang Philippine History, taliwas sa paniniwala ng ilan na hindi na ito tinuturo sa High school.
