Mahirap na nga ang kanilang gawain, pinahirapan pa sila lalo ng mga taong tila walang kunsensiya at kabutihan.
Kamakailan ay natagpuang sunog ang karamihan sa mga inaning mais ng isang magsasaka na taga-Brgy. Calamagui sa San Pablo, Isabela.

Napakasakit nito para sa magsasaka at sa kanyang pamilya pagkat literal na naging abo ang dalawang tambak ng mga mais na inani ni tatay Elizardo Mallari, Sr. ng Calamagui matapos itong pagdiskitahan at sunugin ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
Kuwento ni tatay Elizardo, iniwan nila ang mga naaning mais sa bukid para ipapa-thresher na sana kinabukasan ngunit laking gulat niya at labis na dismaya ang naramdaman nang madatnan niyang halos abo na ang lahat ng kanyang mga pinaghirapan sa loob ng ilang buwan.

Labis na panlulumo ang nararamdaman ng 66-anyos na si tatay Elizardo sa pangyayari lalo pa’t hindi niya lubos maisip kung paano makababangon muli. Sobrang mahal umano ng kanyang mga nagastos mula sa pagpapa-traktora ng lupa, pagbili ng binhi at abono, hanggang sa pagbayad ng mga taong nagtanim at nag-ani ng kanyang mga tinanim na mais.
Hindi lubos maisip ni tatay Elizardo kung bakit may mga taong gumawa nito sa kanyang mga ani. Saloobin ni tatay, sana ay naisip ng mga gumawa nito na dugo at pawis ang kanyang naging puhunan rito. Bakit ito ginawa sa kanyang pinaghirapang tanim?
Nakatutulala ang ganyang pangyayari, sa totoo lang. Nakapanghihina ng loob lalo na para sa tulad ni tatay na senior citizen na ngunit masigasig pa ring naghahanapbuhay para sa pamilya.

Nananawagan si tatay Elizardo sa mga kinauukulan na sana ay mahuli ang mga may kagagawan nito at sana ay tulungan din siya ng mga concerned agencies upang makabangon muli.
Bumuhos ang awa at galit mula sa mga netizens na nakabatid ng pangyayari.
“Sinadya talaga yan… Inggit o away ang puno’t dulo nyan…”
“Grabe may mga tao pa talagang kayang gumwa ng ganito. Karma na lang bahala sa gumawa nyan.
“Wala pong kaaway ‘yung biyenan ko kahit kanino po kayo magtanong sa amin, wala po siyang kaaway, napakabait po ng biyenan ko,” pagtatanggol naman ng manugang na si Charry Tarun Mallari.
Samantala, may mga mabubuting netizens naman ang nakipag-ugnayan sa pamilya ni Tatay Elizardo upang makapag-abot ng tulong sa pamamagitan ng Gcash para makabangon muli siya. May mabubuti pa rin talagang kababayan. God bless you all jolly givers.
At sa iyo, Tay Elizardo, laban lang po. Keep the faith!
